DUTERTE POSIBLENG NAGALIT KAY VELASCO SA PAG-ATRAS SA TERM SHARING

DUTERTE-VELASCO

KUMBINSIDO ang mga political analyst na nawalan ng kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang resulta ng ginawa nitong pag-atras sa nabuong term sharing sa House  Speakership.

Para sa political analyst na si University of the Philippines Professor Ranjit Rye, si Velasco ang  napuruhan nang tanggihan nito ang kasunduan sa term sharing lalo pa at inaprubahan ito ng Pa­ngulo bilang solusyon sa gusot sa Speakership race.

Maging ang batikang analyst na si Mon Casiple ay naniniwalang malaki ang nawala kay Velasco, hindi umano partikular ang term sharing ang kanyang tinanggihan kundi mismo ang nais na mang­yari  ng Pangulo.

“Naniniwala akong nainis o nagalit din si Pangulong Duterte nang tanggihan siya ni Velasco, he has lost a lot of points there,” paliwanag ni Casiple.

Ang term sharing sa pagitan nina Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ay ipinanukala ng kampo ni Velasco, base sa pahayag ng Pa­ngulong Duterte, pumabor siya sa term sharing lalo pa at napangakuan nito si Cayetano gayundin si Velasco na tutulungan sila na makuha ang posisyon ng House Speaker. Habang inamin din ng Pangulo na bagama’t kaibigan niya ang isa pang Speakership candidate na si Leyte Rep. Martin Romualdez na sinuportahan din siya sa nakaraang eleksiyon, ay wala naman itong naging pangako sa kong­resista ukol sa pagiging Speaker.

Samantala, wala namang nakikitang masama ang ilang kongresista sa ipinapanukalang term sharing kung saan umatras si Velasco, sinabi ni Cavite Rep. Abrahan Tolentino, kung nais ng Pangulong Duterte ang term sharing, ay agad silang tatalima bilang siyang nakaaalam ng makabubuti sa kanyang administrasyon.

Nalagay rin sa hot water si Velasco nang  itanggi nito na walang anumang term sharing na sinasabi si Pangulong Duterte patungkol sa Speakership, subalit sa naging panayam sa Pa­ngulo, inamin at idinetalye nito ang nabuong kasunduan ukol sa paghahati ng tatlong taong termino bilang House Speaker sa pagitan nina Velasco at Cayetano kung saan unang magsisilbi ang huli ng 15 buwan na susundan naman ni Velasco ng 21 buwan.   PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.