SISIKAPIN ng San Miguel na manatili sa kontensiyon sa East Asia Super League (EASL) Champions Week na wala ang kanilang pinakamahusay na big man.
Si six-time MVP June Mar Fajardo ay hindi lalaro sa all-important game nito kontra Rhenz Abando at Anyang KGC ngayong Sabado makaraang ma-injure ang kanyang kaliwang tuhod sa tournament debut ng Beermen noong Huwebes ng gabi.
Ang 6-foot-11 na si Fajardo ay nagtamo ng injury makaraang bumangga kay Ryukyu big man Jack Cooley sa unang 21 segundo ng laro kung saan natalo ang Beermen, 96-68, sa Nikkan Arena.
Hindi na bumalik ang San Miguel big man kung saan minabuti ni coach Jorge Gallent na pagpahingahin siya at i-preserve na lamang para sa kampanya ng koponan sa PBA Governors Cup.“No more, he’s done,” wika ni Gallent patungkol sa sitwasyon ni Fajardo.
“Somebody hit him in the knee. PTs will take care of him and I hope it’s nothing serious.”
Ngayon ay sasalang ang Beermen kontra Anyang KGC na wala si Fajardo, umaasa na mabibigyan ang KBL runner-up team ng mas magandang laban sa kanilang huling laro sa group stage at magkaroon ng tsansang makapasok sa championship round.
Ang San Miguel at Anyang ay kapwa bumiyahe sa Okinawa para sa 3 p.m. match sa newly-built Okinawa Stadium.
Nasa parehong sitwasyon din ng Beermen ang TNT Tropang Giga, na nakikipagbuno sa KBL champion Seoul SK Knights hanggang press time para manatiling buhay sa $500,000, week-long tournament.
Ang Tropang Giga ay tinambakan ng home team Utsunomiya Brex sa opener, 99-66, habang humabol ang Knights mula sa 18-point deficit upang gulantangin ang Bay Area Dragons, 92-84.
Ang Anyang KGC at Ryukyu Golden Kings ay kasalukuyang nangunguna sa Group A na may 1-0 records, habang ang San Miguel at Taipei Fubon Braves ay nasa ilallm na may 0-1 kartada.
Naunang tinalo ng Anyang ang Braves, 94-69, kung saan tumapos si Abando na may 11points, 4 rebounds, at 2 steals.
Ang Japan B League champion Utsunomiya Brex at Seoul SK Knights ay kapwa may 1-0 marka sa Group B habang ang TNT at Bay Area Dragons ay may 0-1.