NAGDESISYON ang Senado na i-contempt ang dating employer ng kasambahay na nakaranas ng matinding pang-aabuso mula sa kanyang amo.
Kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng Senado ang babaeng amo ni Elvie Vergara, ang dating kasambahay na nabulag dahil sa pagmamaltrato.
Nag-mosyon si Sen. Jinggoy Estrada na ma-contempt si France Ruiz dahil sa patuloy na pagsisinungaling sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights.
Sinang-ayunan naman ito ni Sen. Ronald dela Rosa kaya ngayon ay nasa kustodiya ito ng Senate Sergeant-at-Arms.
Nauna nang iminungkahi ni Estrada na idiretso sa Pasay City Jail si Ruiz ngunit binawi niya ito matapos silang mag-usap nina Tolentino at Dela Rosa.
Samantala, humarap na si alias Dodong, ang dating houseboy ng pamilya Ruiz, na sinabing nasaksihan ang pagmamaltrato kay Vergara, gayundin ang dalawa pang houseboy ng mga Ruiz sa Occidental Mindoro.
-LIZA SORIANO