FLYING TITANS MAS PINALAKAS SA PVL

MAS handa at mas pinalakas na Rebisco Choco Muncho Flying Titans ang raratsada sa hangaring makamit ang minimithing titulo sa pagbabalik-aksiyon ng Premier Volleyball League (PVL) ngayong taon.

Sa ikatlong sunod na season, pangangasiwaan ni head coach Oliver Almadro ang kampanya ng Titans para makasampa sa podium at mas maitaas ang level ng pagiging kompetitibo sa kauna-unahang professional volleyball league sa bansa.

Matapos kunin ang serbisyo ng mga beteranong sina setter Jem Ferrer at middle Cherry Nunag nitong Nobyembre, gayundin ang mga batikang players na sina Desiree Cheng, Isa Molde, Aduke Ogunsanya at Thang Ponce, ang Choco Mucho ay isang lehitimong title-contender.

Dagdag lakas sina Cheng at Molde sa opensa, habang sina Ogunsanya at Nunag ay magbibigay ng panibagong tibay sa depensa kaakibat sina Bea De Leon at Shannen Palec. Si Ponce naman ang katuwang ni Denden Lazaro sa floor defense.

“Choco Mucho is a team we consider to still be a work in progress. We are confident our new talented players will address the needs of the Titans and further strengthen what has already been built by the team,” pahayag ni Rollie Delfino, team manager ng Choco Mucho Flying Titans.

Tulad ng mga karibal, patuloy ang paghahanda ng Titans at sa pagbabalik ng aksiyon ay tiyak na magagambala ang mga kalaban.

“The competitive spirit, the passion, the pride, and the willingness to do more together with faith is what I see this team being all about,” sambit ni Almadro.  EDWIN ROLLON