FRANCISCO, ALEGADO SA SKATEBOARDING PARK FINALS

Skateboarding

HANGZHOU, Zhejiang — Pumangatlo si Jericho Francisco Jr. at pumampito si Mazel Paris ‘Maze’ Alegado sa skateboarding park qualification ng 19th Asian Games nitong Linggo sa QT Roller Sports Centre dito sa China.

Nagbaon si Francisco, 21, at taga-Carson, California ng 77.86 sa run 2 mula sa 2.06 sa run 1 sa likuran nina Yuro Nagahara (43.13, 81.80 points) at Kensuke Sasaoka (43.13, 79.81) ng kapwa Japan.

Nasa Top 8 din sina Chinese Ye Chen 76.58, 56.10), Koreans Jin Han Jae (57.06), 51.10) at Gang Ho Moon (54.23, 25.18), hometown bet Mingxiao Li (44.71, 52.11) at Brian Upapong ng Thailand (2.00, 47.46).

Pumoste si Alegado ng Fontana, CA ng 56.96 sa run 2 makaraang mag-44.86 sa run 1.

Si Hinano Kusaki ang nagbida sa qualification sa 78.06 pts., kabuntot sina Mao Jiasi ng host country (77.06) at kababayang si Kusaki na si Mei Sugawara (75.33).

Pasok din sina Hyunju Cho ng Korea (70.36), Yi-Fan Lin ng Taiwan (62.00), Indonesian Bunga Nyimas (41.30) at Thai Orapan Tongkong (36.51).

Papalag sa gintong medalya sina Francisco at Alegado na mga suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee ngayong Lunes, alas-12:30 ng tanghali, sa men’s event finals habang alas-9:30 ng umaga ang women’s side.

Martes pa ang rampa ni Margielyn Didal kasama sina Mark Renzo at John Flory sa women’s at men’s street heat.

Si Didal ang defending champion sa kanyang event, sinungkit ang gintong medalya sa 2018 Jakarta-Palembang Asiad.