USAPIN sa kalagayan ng Philippine professional sports ang tatalakayin at hihimayin sa pagbabalik ng sesyon ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, Hulyo 16, via Zoom.
Pangungunahan ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang pagsalang ng Games and Amusements Board (GAB) – ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pro athletes, coaches, at officials, gayundin sa pro leagues at tournaments – sa malayang usapan sa alas-10 ng umaga sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), GAB at PAGCOR.
Inaasahan din ang partisipasyon nina Commissioners Ed Trinidad at Raul Lagrisola, kasama ang ilan pang mga opisyal ng ahensiya na nasa ilalim ng Office of the President.
Nakasentro ang usapin sa kaganapan sa pagdalo ng GAB sa International Boxing Federation (IBF) kamakailan, gayundin sa ilang programa na naging dahilan ng pagdami ng mga pro league sa bansa sa kabila ng kinaharap na hamon dulot ng COVID-19 pandemic sa nakalipas na dalawang taon.
Inaanyayahan ni TOPS president Maribeth ‘Beth’ Repizo-Santos ang mga miyembro at opisyal, maging ang mga sports enthusiat na makiisa sa programa at makipagtalakayan sa sports forum na mapapanood via liverstreaming sa TOPS officials Facebook page at sa YouTube.