UMISKOR si Derrick White sa isang tip-in bago ang pagtunog ng buzzer at naipuwersa ng Boston Celtics ang Game 7 sa 104-103 panalo laban sa host Miami Heat sa Eastern Conference finals noong Sabado ng gabi.
Makaraang maipasok ni Jimmy Butler ang tatlong free throws, may 3.0 segundo ang nalalabi upang bigyan ang Miami ng kalamangan, tumira si Marcus Smart ng Boston ng tres na pumasok at lumabas. Pumosisyon si White at kinuha ang rebound at mabilis na tumira para sa dramatic victory para sa Celtics.
Ang second-seeded Boston ay nagwagi sa huling tatlong laro upang maging ika-4 na koponan sa kasaysayan ng NBA na naipuwersa ang Game 7 makaraang matalo sa unang tatlong laro ng isang playoff series.
Ang Game 7 ay nakatakda sa Lunes ng gabi sa Boston.
Kinuha ng No. 8 seed Miami ang one-point lead sa 15-4 burst makaraang maghabol ng 10, wala nang limang minuto ang nalalabi. Naitala ni Butler ang 13 sa mga puntos ng Heat sa naturang rally.
Nagsalansan si Jayson Tatum ng 31 points, 12 rebounds at 5 assists at nagdagdag Jaylen Brown ng 26 points at 10 rebounds para sa Celtics. Umiskor si Smart ng 21 points, tumipa si White ng 11 at nagdagdag si Robert Williams III ng 10.
Si Butler ay 5-of-21 shooting lamang habang tumapos na may 24 points, 11 rebounds at 8 assists. Gumawa siya ng 15 points sa fourth quarter. Kumubra si Caleb Martin ng 21 points at 15 rebounds para sa Heat.
Ang Celtics ay 5-0 sa elimination games ngayong postseason. Tila hindi na sila interesadong ipagpatuloy ang series nang tambakan sa 128-102 sa Game 3 bago ang impresibong recovery.
Kumabig si Miami’s Gabe Vincent ng 15 points, nagdagdag si Duncan Robinson ng 13, nakalikom si Bam Adebayo ng 11 points at 13 rebounds at umiskor si Max Strus ng 10 points.
Hindi naglaro si Malcolm Brogdon ng Boston dahil sa right forearm strain.
Bumuslo ang Celtics ng 43.6 percent mula sa field at 7 of 35 mula sa 3-point range.
Naipasok ng Miami ang 35.5 percent lamang sa kanilang tira, ngunit naibuslo ang 14 of 30 shot attempts mula sa arc.
Naitala ni Tatum ang 16 sa kanyang 25 first-half points sa second quarter upang tulungan ang Celtics na kunin ang 57-53 halftime lead. Umiskor si Butler ng 9 points lamang sa half sa 2-of-10 shooting, habang nagtala si Martin ng team highs na 14 points at 9 rebounds.