HANGZHOU – Tinambakan ng Gilas Pilipinas ang Bahrain, 89-61, para mainit na simulan ang kanilang kampanya sa 19th Asian Games nitong Martes sa HOC Olympic Stadium.
Pinangunahan nina Justin Brownlee at Ange Kouame ang second quarter breakaway na nagbigay-daan para itarak ng national team ang 51-33 bentahe sa break.
Tumapos si Brownlee na may 20 points at 10 rebounds sa kanyang unang pagsabak sa continental meet, habang nag-ambag si Ange Kouame ng 15 sa 28-point victory na naglagay sa Gilas sa ibabaw ng Pool C kasama ang Jordan, 97-63 winner kontra Thailand sa parehong araw.
Agad na isinantabi ni coach Tim Cone ang panalo, at binigyang-diin ang pangangailangan na paghandaan si Tyler Lamb at ang lahat ng Thais, na susunod na makakalaban ng Gilas sa Huwebes.
“We didn’t play Thailand in the Southeast Asian Games. But we saw them in the SEA Games, but we’re not matched up against them. They were knocked out by Cambodia,” sabi ni Cone patungkol sa Thais.
Umabante ang Gilas ng hanggang 34 points sa huling bahagi ng laro.
Nagbuhos si CJ Perez, isa sa limang replacement players na pinayagan na ring maglaro ilang oras bago ang laro, ng 15 points, at si Calvin Oftana ang isa pang player sa double figure para sa Gilas na may 14.
Kasama si Perez, ipinasok ni Cone ang apat na iba pang last-minute inclusions — Kevin Alas, Marcio Lassiter, Chris Ross, at Arvin Tolentino — noong selyado na ng nationals ang panalo para maramdaman nila ang Gilas system makaraang samahan lamang ang koponan isang linggo bago ang Asiad.
“That was important for us to get that extra time. The five guys are still feeling their way around. And again, those are the guys who we’re gonna depend on as they decide how far we go,” sabi ni Cone.
Nalimitahan si dating PBA import Wayne Chism sa limang puntos lamang habang nanguna si Jameel Almoathin para sa Bahrain na may 14 points.