NAKATUTOK ngayon ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mga nalalapit na major tournaments ng national teams, gayundin sa paghahandang isinasagawa para sa 2023 FIBA World Cup.
Sa kanyang pagbisita sa virtual Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon, sinabi ni SBP executive director Sonny Barrios na sinimulan na ng Gilas Pilipinas team ang pagsasanay para sa kampanya nito sa FIBA World Cup qualifiers sa New Zealand at Manila, at pagkatapos ay sa FIBA Asia Cup Championship sa Indonesia.
Gagabayan ni Nenad Vucinic ang Gilas team para sa World Cup qualifiers, bago muling kunin ni Chot Reyes ang coaching job para sa Asia Cup Championship, isang arrangement na ayon kay Barrios ay inaprubahan bago pa man ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
May U-16 FIBA Asian Championship din sa Doha, Qatar kung saan umaasa ang Gilas Youth team sa ilalim ni coach Josh Reyes na makakuha ng puwesto sa U-17 World Cup sa Malaga, Spain, at ang U-16 women’s team ni coach Pat Aquino na sasabak sa Asian Championship sa Amman, Jordan.
“We are very inclusive in planning out how to move forward for this 2023 World Cup which we are hosting para ng sa ganun ang ating buong bayan will support and be behind our Gilas Pilipinas team kasi alam nilang pinag-handaan ng mabuti yung tournament,” ani Barrios.
Inamin ni Barrios na may mga aral na natutunan sa pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa basketball gold sa Indonesia sa Hanoi SEA Games.
“Fielding the best that we can is of utmost importance para ‘yung cohesion and preparing for an extended period of time and not just a couple of weeks or even a month ay mas maganda. Mas matagal, mas maganda,” pahayag ng dating PBA commissioner sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Amelie Hotel Manila, Unilever, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“The value of scouting the opposition is also a lesson learned moving forward for any tournament for that matter.”
– CLYDE MARIANO