HANGZHOU, China – Naglahong parang bula ang 21 puntos na kalamangan ng Gilas sa third quarter pero sinagip ni Justin Brownlee sa endgame para maungusan ang Iran, 84-83, at umabante sa 19th Asian Games men’s basketball semifinals Martes ng hapon sa Zhejiang University Zijingang Gymnasium dito.
Palutang na tirada ni Brownlee buhat sa salaksak ang nagpanalo sa Nationals makaraang umahon ang Iranians sa 64-43 pagkakalugmok sa outside jumper ni Chris Newsome mula sa assist ni Scottie Thomspon, 4:26 ng third quarter.
Ibinaon ni Brownlee ang bitaw na nagpayanig sa PH bench na pinangungunahan nina coach Tim Cone, San Miguel Corporation sports director/team manager Alfrancis Chua at Philippine Basketball Association Commissioner/assistant team manager Willie Marcial.
Nagbuhos ang PH naturalized player at Ginebra San Miguel import ng 36 points, 8 rebounds, 4 assists at 2 steals sa 36:39 paglalaro. Nagdagdag si June Mar Fajarado ng 18 markers, 8 boards at 4 assists habang umiskor si Scottie Thompson ng 11 points.
Makakasagupa ng Pinoy quintet sa semifinals ang defending champion China ngayong Miyerkoles, alas-8 ng gabi, sa Hangzhou Olympic Sports Centre Gymnasium.
Ang huling pagkakataon na nagharap ang dalawang koponan ay noong 2023 FIBA World Cup sa Manila, kung saab nagwagi ang mga Pinoy, 96-75.
Pinaglalabanan pa ang huling dalawang silya sa semis ng Jordan-Saudi Arabia at Japan-Chinese Taipei hanggang presstime Martes.
Nanguna para sa Iran si Mohammadsina Vahedi na may l24 points. Huling nagwagi ng medalya ang PH 5 sa quadrennial meet noong 1998 sa Bangkok, samantalang ang huling gintong medalya ay sa 1962 Jakarta Asiad.
Ito ang unang pagkakataon na nakapasok sa semifinals sa Asiad ang PH 5 magmula noong 2002
CLYDE MARIANO