NAGLABAS na ang Korte Suprema ng panuntunan sa live media coverage sa inaabangang pagbababa ng hatol sa mga akusado sa Maguindanao massacre case.
Sa apat na pahinang dokumento na pirmado nina Supreme Court Administrator Atty. Midas Marquez at Supreme Court Spokesman Atty. Brian Hosaka, inilatag ang panuntunan para sa maayos na coverage ng media sa Disyembre 19, 2019 sa Metro Manila District Jail o Annex 2 sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Ang government TV network na PTV-4 ang magsisilbing media pool na tanging papayagan na makapag set-up ng kanilang broadcast equipment sa loob ng korte.
Ito rin ng magbibigay ng signal feed sa iba’t ibang media networks para sa live broadcast ng promulgation.
Hindi papayagan ng Korte Suprema ang anumang komentaryo ng sinumang eksperto habang isinasagawa ng proseso ng promulgation.
Sinabi ng Korte Suprema na dapat na isahimpapawid ng PTV-4 ang promulgation nang walang anumang interruption o patalastas.
Dahil sa limitadong espasyo sa korte, maglalaan ang Korte Suprema ng hiwalay na media room para sa mga mamamahayag na magkokober ng promulgation at maglalagay rin ng television monitor para masubaybayan ang pangyayari sa loob ng korte.
Isang reporter lamang bawat media outfit na accredited ng Korte Suprema ang pahihintulutan sa loob ng naturang media room.
Bawal din ang photographer o videographer sa loob ng courtroom dahil tanging ang dalawang camera lamang ng PTV-4 at ang official photographer ng Supreme Court PIO ang papapasukin.
Ang isang camera ay dapat na nakatutok lamang kay Judge Jocelyn Solis- Reyes o sa kung sinuman ang magbabasa ng desisyon at dapat ay wide shot ang anggulo ng camera.
Ang ikalawang camera naman ay dapat na nakatutok lamang sa mga abogado o partido sa kaso at dapat na wide shot din ang anggulo ng camera.
Ipagbabawal ang anumang media interview sa loob ng courtoom at sa loob ng MMDJ Annex 2 at papayagan lamang ang interview pagkatapos na ng promulgation.
Magtatalaga ng lugar sa labas ng BJMP facility para sa mga interview.
Ang mga accredited media ay dapat na magparehistro bago ang 8:00 ng umaga.
Mahigpit na ipagbabawal sa loob ng courtroom ang cellphone, audio recorder, video recorder at iba pang kahalintulad na gadgets.