BUMABA ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom sa second quarter ng taon.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa 9.4 porsiyento o 2.2 milyon ang pamilyang nakaranas ng gutom noong Abril hanggang Hunyo.
Mas mababa ito ng 0.5 puntos kumpara sa 9.9% o 2.3 milyong pamilya na sumala sa oras sa unang tatlong buwan ng 2018.
Sa datos na ito, 8.1 porsiyento o 1.9 milyong pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng moderate hunger o makailang beses nagutom habang 1.3 porsiyento o 294,000 pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng severe hunger o madalas silang nagugutom.
Tumaas ng pitong puntos ang bilang ng mga pamilyang nagugutom sa Metro Manila, at apat na puntos sa Mindanao. Bumaba naman ng 3.7 puntos ang bilang ng pamilyang nagugutom sa Balance Luzon at Visayas.
Ang naitalang 9.4 porsiyentong hunger rate para sa second quarter ng taon ay ang ikatlong pagkakataon na nanatili ang bilang sa single digit simula noong Marso 2004.
Isinagawa ng SWS ang survey noong Hunyo 23-27 sa may 1,200 respondents sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa naturang survey ay lumitaw rin na umabot sa 34 porsiyento o tinatayang 7.8 milyong pamilya ang nagsabing sila ay ‘food poor’.
Mas mataas ito ng limang puntos kumpara sa first quarter.
“In terms of geographical area, food poverty went up to 45 percent in Mindanao, 23 percent in Metro Manila, and 26 percent in Balance Luzon. The Visayas remained steady at 45 percent,” ayon pa sa survey.
Sinasabing para hindi makonsiderang ‘food poor’, ang isang pamilya ay kailangang may P 10,000 bu-wanang budget para sa pagkain sa Metro Manila, P5,000 sa Balance Luzon, P6,000 sa Visayas, at P7,000 sa Mindanao.
“The values for Metro Manila and the Visayas are record-highs in the area,” sabi pa ng SWS. VERLIN RUIZ
Comments are closed.