BAHAGYANG tumaas ang bilang ng mga pamilyang Filipino na nakaranas ng gutom sa second quarter ng 2019, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa survey, nasa 10 porsiyento o tinatayang 2.5 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan.
Mas mataas ito sa 9.5 porsiyento o 2.3 milyong pamilya na naitala noong Marso 2019.
Noong Disyembre 2018, ang hunger rate ay nasa 10.5 porsiyento, habang noong Setyembre 2018 ay nasa 13.3 porsiyento ito.
Sa 10 porsiyento, umaabot sa 8.7 porsiyento o 2.1 milyong pamilya ang nakaranas ng ‘moderate hunger’ habang 1.3 porsiyento o 320,000 pamilya ang nakararanas ng ‘severe hunger’.
Ang second quarter SWS survey ay isinagawa noong Hunyo 22-26, 2019 gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adults (18 years old and above) sa buong bansa: tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao (sampling error margins na ±3% para sa national percentages, at tig-±6% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao).
Sa naturang survey, sa Metro Manila ay tumaas ang hunger rate ng 4 points, mula sa 11.7 porsiyento (tinatayang 387,000 pamilya) noong Marso, sa 15.7 porsiyento noong Hunyo.
Tumaas din ito sa Mindanao ng 2.9 points, mula sa 6.1 porsiyento (tinatayang 345,000 pamilya) noong Marso sa 9.0 porsiyento noong Hunyo.
Saq Balance Luzon, bumaba ang hunger rate ng 1 point, mula 10.3 porsiyento (tinatayang 1.1 million pamilya) noong Marso, sa 9.3 porsiyento noong Hunyo.
Sa Visayas ay bumaba rin ito ng 1.3 points, mula 10.0 porsiyento (tinatayang 472,000 pamilya) noong Marso, sa 8.7 porsiyento noong Hunyo.
Comments are closed.