NAKOPO ni Filipino pole vaulter EJ Obiena ang isang puwesto sa 2020 Tokyo Olympics sa kanyang golden performance sa Chiari, Italy kahapon.
Binura ni Obiena ang kanyang sariling Philippine record sa pagtalon ng 5.81m at nilagpasan ang 5.80m qualifying mark.
“Finally I have done what I set out to do and this is not just my efforts. It’s a lot of people who contributed and made this happen and this is why this make it so sweet,” masayang pahayag ni Obiena makaraang maging unang Pinoy na nag-kuwalipika sa Tokyo edition.
Tinangka rin ng 23-anyos na si Obiena na lundagin ang 5.93 meters upang mahigitan ang all-time Asian record na 5.92m na tangan ni Igor Potapovich ng Kazakhstan.
Dalawang beses nang winasak ni Obiena ang kanyang sariling record noong nakaraang Abril at Hulyo upang mapalakas ang kanyang kampanya para sa 2019 Southeast Asian Games gold.
Bago sumabak sa Italy, si Obiena ay nanalo ng ginto sa Asian Athletics na ginawa sa Qatar at sa Thailand Open na ginanap sa Thammassat University track and field oval sa Bangkok, at nakakuha ng pilak sa Chinese Taipei Invitational Athletics.
Si Obiena ay anak ni SEA Games at World Masters Athletics pole vault medalist Emerson Obiena.
Sinabi ni PATAFA president Philip E. Juico na ang ipinamalas ni Obiena ay nagpapatunay na world-class ang mga Pinoy pole vaulter.
“His success in Italy is a manifestation of his strength and skills in pole vault,” sabi ni Juico matapos na makarating sa kanya ang magandang balita sa tagumpay ni Obiena.
Si Obiena ay priority athlete ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. CLYDE MARIANO
Comments are closed.