HAWKS NAKAUNGOS SA BUCKS SA GAME 1

hawks vs bucks

NAGBUHOS si Trae Young ng career playoff high 48 points upang tulungan ang Atlanta Hawks na maungusan ang host Milwaukee, 116-113, sa opening game ng NBA Eastern Conference finals noong Miyerkoles (Huwebes sa Manila).

Umiskor si Young, nag-ambag din ng 11 assists at 7 rebounds, ng 12 points sa fourth quarter upang sindihan ang rally na nagpatahimik sa Bucks.

“We just keep fighting until the end, no matter what the score is,” ani Young. “That’s what we’re going to do. We’re going to keep fighting.”

Lalaruin ang Game 2 sa Biyernes sa Milwaukee. Ang mananalo sa best-of-seven series ay aabante sa NBA Finals matchup laban sa magwawagi sa Phoenix Suns at Los Angeles Clippers.

Tumipa si John Collins ng 23 points at kumalawit ng 15 rebounds habang nagtala si Clint Capela ng 12 points at 19 rebounds.

“People overlook this team, take us for granted, so for us to come out here and get a win is big time,” ani Collins.

Nakalikom si Greek star big man Giannis Antetokounmpo ng 34 points, 12 rebounds at 9 assists habang nagdagdag si Jrue Holiday ng 33 points at 10 assists para sa Bucks.

“We’ll get better,” wika ni Bucks coach Mike Budenholzer. “We’ll get smarter game after game.”

Ito ang unang home playoff loss ng Milwaukee ngayong season.

“Young’s a great player,” sabi ni Budenholzer. “He had a great night. We feel like we can play better.”

Gumawa si Collins ng 8 points, 6 sa dunks, at nagdagdag si Young ng pito sa 21-8 Atlanta run na nagbigay sa Hawks ng 79-73 bentahe sa huling bahagi ng third quarter bago nag-rally ang Bucks.

Tumirada si Antetokounmpo ng 6 points upang pangunahan ang 13-2 run ng Bucks para sa 105-98 bentahe, subalit isinalpak ni Collins ang isang jumper at nagdagdag si Young, kumonekta ng 17-of-34 shots mula sa floor, ng isang 3-point play upang ilapit ang Hawks sa dalawang puntos

Dikdikan ang sagupaan hanggang isalpak ni Collins ang isang 3-pointer at umiskor si Capela sa isang rebound put-back na nagbigay sa Hawks ng 112-111 kalamangan, may 29.8 segundo ang nalalabi.

Nakuha ni Young ang loose ball at ipinasok ang dalawa pang free throws, pagkatapos ay nagpalitan sila ni Antetokounmpo ng free throws sa mga huling segundo para sa final margin.

“I believe in this team,” ani Young. “We knew we could get a stop. We just buckled down and got it.

“Our confidence never goes away. We put too much work in to stop believing in each other.”

9 thoughts on “HAWKS NAKAUNGOS SA BUCKS SA GAME 1”

Comments are closed.