HAYAHAY, HIDILYN!

pick n roll

SIKSIK, liglig, umaapaw ang banga sa insentibo para sa tinaguriang ‘Golden Girl’ ng Philippine sports na si Hidilyn Diaz ng weightlifting.

Mistulang pulut-pukyutan sa tamis ang pagkapanalo ni Haidee – tawag ng dabarkads – at nagkagulo ang lahat na tila mga bubuyog na unahan sa bulong at pahiwatig ang mga korporasyon, negosyante, politiko at celebrities. Bawat isa’y nais makaamot ng pansin para sa huli’y sila rin ay mapansin.

Maging ang mga netizen, Dilawan, Makabayan at mga tinaguriang pa-Woke na walang pakialam sa mga panahong may pinagdadaanan ang dalagang si ‘Malakas’ ay mistulang dalayung ng Habagat ngayon sa ingay makagawa lamang ng senaryo na magmukhang kontrabida ang pamahalaan, gayundin ang kasalukuyang may tangan ng upuan sa Malacanang. Nakakatawa na nakakainis. Sabi nga ni Ka Heber –  mga Inutil na Gising.

Nagkakahalaga ng P14 milyon ang residential condominium unit sa yayamaning EastWood ang kaloob ng isang malaking kompanya, h-bang bahay at lupa sa Tagaytay ang pangako ng isa pang Realtor kay Hidilyn. Ilang oras matapos ang Olympic record para sa kauna-unahang gintong medalya ng bansa, kaagad na natanggap ni Hidilyn ang mga umuusok na balita. Ang 1Pacman Partylist Congressman na si Mikee Romero ay naglaan din ng P3 milyon.

Bago pa sumabak sa Tokyo Olympics, naghihintay na ang P10 milyon sa sinumang atleta na magwawagi ng gintong medalya sa Olympics. Nakasaad ‘yan sa batas at walang magiging alalahanin ang pamilya ng dating probinsiyana. Tinapatan ito ng tig-P10 milyon ng pilantropo at negosyanteng sina Manny Pangilinan ng SMART at Ramon Ang ng SMC. Naglaan naman ng P5 milyon ang ‘sports Godfather’ ni Diaz na si Dennis Uy ng Phoenix, bukod pa sa ‘lifetime supply’ ng gasoline – hala, Hidilyn, pati ang gasera ng kapitbahay ay palagyan na ng kerosene, huh!.

Hayahay na ang buhay ni Hidilyn, maging sa panahon ng kanyang paglalakbay ay habambuhay na ring libre ang kanyang pasahe sa mga eroplano ni Lucio Tan.

Kung noo’y kailangan pang pumalahaw sa  kanyang social media account para humingi ng suporta, iba na ang sitwasyon ngayon ni Hidilyn. Hindi na kailangan ang Facebook, Instagram at Twitter. Umuusok sa walang humpay na tawag ng mga nais makisawsaw ang kanyang mobile phone. Sa awitin ng balladeer na si William Bell, ‘Everybody Loves A Winner’.

Sa kanyang pagdating kahapon mula sa Tokyo, mabasang hapon ang sumalubong sa kanya maging sa kanyang mga kasamahan sa Team HD. Ngunit, mainit na pagsalubong ang ipinadama ng sambayanan. Dahil sa pandemic, iniwasan ang sana’y makabuluhan at makasaysayang parada ng bagong bayani ng bansa.

Gayunman, personal na ipinarating sa kanya ng kanyang Chief sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang isang Staff Sargent sa Air Force, ang pasasalamat at pagpupugay sa ipinagkaloob na karangalan sa bansa.

Hindi pa tapos ang Olympics. At sa tinatakbo ng kampanya ng mga boxer na sina Nesty Petecio, Irish Magno at Carlo Paalam, tila nagbabadya na madudugtungan pa ang pagdiriwang ng bayang ‘di pasisiil. May laban din ang pole vaulter na si EJ Obiena, gayundin ang ‘Three Musketeers’ ng golf na sina Juvic Pagunsan, Bianca Pagdanganan at US Women’s Open champion Yuka Saso.

Sa mga sponsor, isubi ang nalalabing insentibo, bukas pa ang tindahan para inyong ambag sa pagkilala sa atletang Pinoy.



(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])

72 thoughts on “HAYAHAY, HIDILYN!”

  1. 524760 601057Oh my goodness! a wonderful write-up dude. Thanks a whole lot Nonetheless We are experiencing trouble with ur rss . Do not know why Not able to sign up to it. Maybe there is anybody getting identical rss dilemma? Anyone who knows kindly respond. Thnkx 705246

Comments are closed.