NAITALA ni Jimmy Butler ang 17 sa kanyang 41 points sa isang epic third-quarter run upang tulungan ang host Miami Heat na makahabol para sa 118-107 panalo kontra Boston Celtics sa Game 1 ng Eastern Conference finals noong Martes ng gabi.
Nag-ambag din si Butler ng 9 rebounds, 5 assists, 4 steals at 3 blocked shots upang tulungan ang Miami na burahin ang 13-point, second-quarter deficit. Na-outscore ng Heat ang Celtics, 39-14, sa third quarter upang kunin ang 93-76 lead papasok sa final stanza.
Nakalikom si Tyler Herro ng 18 points at 8 rebounds at umiskor si Gabe Vincent ng 17 points para sa Miami.
Nagsalansan si Jayson Tatum ng 29 points, 8 rebounds, 6 assists at 4 steals para sa Celtics. Tumipa si Jaylen Brown ng 24 points at 10 rebounds, nagdagdag si Robert Williams III ng 18 points at 9 rebounds at gumawa rin si Payton Pritchard ng 18 points para sa Boston.
Nakatakda ang Game 2 sa Huwebes ng gabi sa Miami.
Naglaro ang Celtics na wala sina NBA Defensive Player of the Year Marcus Smart (right foot) at Al Horford (COVID-19 protocol). Naging starter si Williams kapalit ni Horford, bumalik mula sa four-game absence sanhi ng left knee injury.
Ang Heat ay naglaro na wala si Kyle Lowry (left hamstring) sa ika-7 pagkakataon sa huling siyam na laro.
Kumabig si Max Strus ng 11 points at nagdagdag si Bam Adebayo ng 10 points at 4 blocked shots para sa Miami. Bumuslo ang Heat ng 48.8 percent mula sa field, kabilang ang 10 of 30 mula sa 3-point range.