HIDILYN WINALIS ANG 3 GOLDS SA WORLD WEIGHTLIFTING CHAMPIONSHIPS

SA WAKAS ay naidagdag ni Hidilyn Diaz ang mailap na World Weightlifting Championship gold sa kanyang koleksiyon makaraang dominahin ang women’s 55-kilogram division nitong Huwebes sa Bogota, Colombia.

Ang Tokyo Olympic gold medalist ay nakalikom ng kabuuang 207 kg upang maungusan sina hometown bet Rosalba Morales na may kabuuang 199 kg at Ana Gabriela Lopez ng Mexico na nakakolekta ng 198 kg, para sa lahat ng tatlong gold medals sa snatch, clean and jerk, at total.

Ang 31-year-old weightlifting icon ay bumuhat ng 93kg sa snatch upang kunin ang kanyang unang gold sa world championship at nagtala ng 114 kg upang pagharian ang clean and jerk.

Ang world title ay naging mailap kay Diaz, na nagwagi na ng gold medals sa Olympics, Asian Games, at Southeast Asian Games. Nagkasya siya sa bronze sa women’s 53 kg. noong 2015 at 2017 at isa pang bronze sa women’s 55 kg. noong 2019.

Umatras siya sa weightlifting worlds sa Tashkent noong nakaraang taon.

Ang panalo ay malaking boost sa kampanya ni Diaz na mag-qualify sa 2024 Paris Olympics kung saan sisikapin niyang maidepensa ang kanyang korona sa Summer Games.

Binati naman ni Philippine Sports Commission Chairman Jose Emmanuel “Noli” M. Eala si Diaz.

“Hidilyn has proven once again that the fire in her heart to be second to none in her field continues to burn and remains the benchmark by which every weightlifter and Filipino athlete must measure themselves against,” ayon sa official statement ng PSC at ni Eala.

“The PSC will forever be proud of Hidilyn as the epitome of a great champion and will always provide support in her continuing quest to bring honor to our country. Mabuhay!” dagdag ni Eala.

Bukod kay Diaz, ang iba pang Filipino weightlifters na nagtatangka sa medalya sa world tilt at slots sa 2024 Paris Olympics ay sina Tokyo Olympian Elreen Ando, Asian champion Vanessa Sarno, Kristel Macrohon, at Dave Lloyd Pacaldo.

CLYDE MARIANO