HIGH VALUE TARGET, 2 PA PATAY SA ENGKUWENTRO

patay

PATAY ang tatlong lalaki kabilang ang isang high value target nang manlaban sa isinagawang law enforcement opera-tion ng mga pulis sa Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng CDO-PNP,  maghahain sana ng warrant of arrest sa isang residente ng Barangay Lumbia kamakalawa ng gabi ang awtoridad nang mapalaban sila sa mga target ng operasyon.

Target ng warrant of arrest ang isang Marvin Fajardo na may kasong direct assault na noong 2013 pa nang ilabas ng Fourth Judicial Region Municipal Circuit Trial Court ng Tanauan City, Batangas ang nasabing warrant.

Isinagawa ang operas­yon nang matunton ang pinagtataguan ni Fajardo sa lungsod ngunit nang ihain na ang warrant, nagpaputok ng baril si Fajardo at dalawa pang kasamahang lalaki.

Gumanti ang mga pulis at nagtamo ng tama ng bala ang mga suspek at isinugod agad sila sa ospital pero binawian din ng buhay.

Ayon sa awtoridad, si Fajardo umano ang leader ng “Fajardo Criminal Group” na sangkot sa iba’t ibang ilegal na gawain sa Batangas City, Laguna, at National Capi­tal Region.

Kabilang din umano si Fajardo sa listahan ng mga high-value target ng Police Regional Office 4A at sa listahan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Patuloy pang ina­alam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang kasama ni Fajardo. VERLIN RUIZ

Comments are closed.