MATAPOS ang halalan at proklamasyon, nakatuon na ngayon ang pansin ng karamihan sa anunsiyo ng mga miyembro ng gabinete na bubuo sa administrasyong Marcos.
Ito ay isa sa mga napakahalagang balita na dapat pagtuunan ng pansin sapagkat ilang araw na lamang at opisyal nang uupo ang bagong administrasyon upang mamuno ng bansa. Kung mas maaga ang anunsiyo, magiging mas maayos ang transisyon mula sa mga miyembro ng gabinete ng administrasyong Duterte.
Kamakalawa, inanunsiyo ni BBM na kabilang sa kanyang gabinete sina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, na siyang magiging susunod na kalihim ng Department of Finance, samantalang siya naman ay papalitan ni Monetary Board Member Felipe Medalla sa BSP.
Si Philippine Competition Commission Chairman Arsenio Balisacan, na dati ring Socioeconomic Planning Secretary, ay babalik bilang kalihim ng National Economic and Development Authority, samantalang ang international development banker na si Alfredo Pascual ay napiling mamuno sa Department of Trade and Industry.
Maraming mga indibidwal pa ang inanunsiyong magiging kabilang sa gabinete ni BBM. Kasama rin sina Vice President-elect Sara Duterte para sa Department of Education, dating MMDA Chairman Benhur Abalos para sa Department of the Interior and Local Government, Bienvenido Laguesma na babalik sa Department of Labor and Employment, Trixie Cruz-Angeles bilang PCOO at Press Secretary at ang batikang abogado na si Atty. Vic Rodriguez, bilang kanyang Executive Secretary.
Hindi pa man lubusang nabubuo ang gabinete ngunit marami na ang nagbigay ng seal of approval sa mga napiling indibidwal ni BBM, lalong-lalo na sa kanyang economic team, dahil ang lahat ng ito ay highly competent, subok, at siguradong may kakayahan upang pagsilbihan at pamahalaan ang kagawarang itinalaga para sa kanila.
Base sa nakalipas niyang interview ay prayoridad ni BBM ang ekonomiya ng bansa, at batid niya ang pagiging kritikal ng pagbuo ng economic team kung kaya kinailangan niyang maging maingat at mapanuri sa pagpili sa mga bubuo nito.
Ilang mga lider na rin ng mga business group ang nagbigay ng approval para sa economic team ni BBM, katulad na lamang nina Philippine Chamber of Commerce and Industry head George Barcelon, Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion at pati na ang Makati Business Club.
Maging si Senador at presidential candidate Panfilo Lacson ay naging aminado na wala siyang nakitang problema sa mga napili ng president-elect. Ayon sa kanya, ang lahat ng kanyang napili “so far” ay kuwalipikado.
Sa kagustuhan at pangangailangan nating muling ibangon ang ating ekonomiya at suportahan ang mga negosyo sa ating bansa, pinakaaabangan ang anunsiyo ng economic team ni BBM lalo na sa mga investor at negosyante, sapagkat sila ang magbibigay sa atin ng kasiguraduhan at pag-asa para sa ating ekonomiya.
Ang kaalaman sa negosyo at ekonomiya ay napakalaking bahagi upang makamit ang ating inaasam na economic recovery.
Kaya naman ang pagpili sa nasabing mga indibidwal ay isang malaking “sigh of relief” dahil ito ay nangangahulugan na ang ating ekonomiya ay nasa mabubuting kamay.
Nawa ay suportahan ng taumbayan ang bubuo sa gabinete ni President- elect BBM dahil ang kanyang tagumpay ay tagumpay ng bayan.