IPINATUTUON ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante na samantalahin ang kakulangan ng mga face mask at gumawa na lamang ng mga matitibay na mask na gawa sa tela.
Sinabi ni Jay Ablan, tagapagsalita ng DTI-Camarines Sur, sa halip na ang presyo ang samantalahin, makabubuting ang pagtahi na lamang ng mga face mask na gawa sa tela ang pag-aksayahan ng panahon ng maliliit na negosyante.
Aniya, kung papaubos na ang supply ng mga face mask sa ibang panig ng bansa partikular sa kanilang lugar sa Naga at Camarines Sur, mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga negosyante na mag-isip ng ibang paraan na hindi maka-kapanamantala sa mga kababayan.
Nagkakaubusan na ng supply ng mga face mask sa Metro Manila matapos na makumpirma ang unang kaso ng novel coronavirus o nCoV sa bansa kaya hiling ng DTI ay huwag mag-panic buying ng face mask.
Ayon sa ilang mga tindahan, marami ang bumibili ng kahong-kahong face masks na naging sanhi ng pagkaubos ng supply nito hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.
Ayon naman kay DTI Secretary Ramon Lopez, hindi dapat mag-alala dahil may sapat na supply ng facemasks at maging alcohol at sanitizer bukod pa sa madali lamang mag-produce ng mga produktong ito.
Hinimok din ni Lopez ang mga retailer na bumili na ng bulto-bulto para sa tumataas na demand sa face mask, alcohol at sanitizer.
Patuloy ang monitoring ng DTI Price Monitoring Team at mahaharap sa kaso ang mga nagsasamantala o sangkot sa overpricing. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.