LANAO DEL SUR – BULAGTA ang isang miyembro ng KFR at hinihinalang hitman ng Amin Imam Boratong Drug Syndicate matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP –Anti kidnapping Group sa Brgy. Poblacion 4, bayan ng Tamarac sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PNP-AKG Director Brig.Gen. Jonnel C. Estomo, naisugod pa sa Global Hospital si Aleman Bantuas Boratong na alyas Boy Negro subalit idineklarang patay na ito.
Nabatid na si Boratong ang nasa likod ng kontrobersyal na Pasig Shabu Tiangge.
Nabatid na bandang alas-3:30 ng madaling araw nang salakayin ng mga tauhan ng PNP AKG-MFU Iligan Sattelite Office sa pamumuno ni Col. Alex C. Fulgar ang pinagkukutaan ni Boratong bitbit ang warrant of arrest sa Brgy Poblacion 4, Tamarac.
Subalit papalapit pa lang ang mga awtoridad ay sinalubong na sila ng sunud-sunod na putok kaya napilitang gumanti ang mga ito.
Napag-alaman na si Boratong at mga tauhan nito ang responsable sa pagdukot sa negosyanteng si Narija Saldivar sa Iligan City noong 2010; pagkidnap kay Hadji Zainal Datumanong sa Marawi City noong Marso 19, 2017; pagdukot kay Engr. R. Liling Lanto Ibrahim sa Marantao, Lanao Del Sur noong Hulyo 12, 2017 at pagpatay sa ilang PNP at AFP personnel sa Lanao Del Sur at kalapit na lalawigan.
Narekober sa encounter ang isang cal.45 pistol na kargado ng mga bala at 6 plastic sachets na shabu. VERLIN RUIZ
Comments are closed.