HOLT TOP PICK SA PBA DRAFT?

PBA ROOKIE DRAFT-2

KASADO na ang PBA Season 48 Rookie Draft ngayong Linggo kung saan tangan ng Terrafirma at Black- water ang draft rights para sa No. 1 at No. 2 na inaasahang mapupunta kina Fil-Am aspirants Stephen Holt at Deschon Winston.

Magiging kapanapanabik ang event sa Market! Market! sa Taguig na magsisimula sa alas-4:30 ng hapon.

Inaasahan na sina Holt at Winston ang magiging No. 1 at No. 2 picks, ngunit may iba pang players na nakahandang gumawa agad ng ingay sa premier cage league ng bansa.

Ang 124-man pool ay tinatampukan ng potential franchise players na pupunan sa mga pangangailangan ng mga koponan.

Sa No. 3 at No. 4 ay maghahanap ang Rain or Shine ng frontline guys.

At maaaring piliin ni coach Yeng Guiao si Luis Villegas ng Stanislaus State/ UE at ang isa kina Keith Datu ng Chico State at Zavier Lucero ng California State U Maritime Academy/UP.

Sa No. 5, posibleng kunin ng NorthPort ang sinumang hindi mapipili ng Rain or Shine.

Subalit maraming iba pa ang hindi maaaring balewalain. “Ang ganda ng draft natin ngayon. Tingin ko hanggang third and fourth round, maganda pa ang quality,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.

Matapos ng Terrafirma, Blackwater, ROS, ROS at NorthPort, ang susunod na pipili sa first round ay ang Phoenix Super LPG sa No. 6, na susundan ng NLEX, Meralco, Converge, Converge, NorthPort at Terrafirma Dyip.

Walang first-round draft rights ang San Miguel Beer, Barangay Ginebra, Magnolia at TNT.

Ang iba pang top draft prospects ay kinabibilangan nina Ricci Rivero ng La Salle/UP, Ken Tuffin ng FEU, Louie Sangalang at Fran Yu ng Letran, Brandon Bates ng La Salle, Sherwin Concepcion at Brent Paraiso ng UST, Christian David ng Butler U, Cliff Jopia ng San Beda at Henry Galinato ng UP.

Apat na players ang natanggal sa initial roster ng draft applicants. Sina Justin Caganda ng Marikina Polytechnic at Dickson Ty ng La Salle ay hindi sumipot sa ikalawang araw ng draft combine, hindi kailanman nagpakita si Ivan Sanchez ng Arellano at binawi ni Tsutomu Tateishi ng UST/ Benilde ang kanyang aplikasyon.

Dalawampu’t siyam na Fil-foreign players na ipinanganak sa US, Australia, New Zealand, Saudi Arabia, Italy, HongKong, Thailand at Qatar ang bahagi ng draft.

CLYDE MARIANO