HORNETS NAKAALPAS SA MAVS SA OT

hornets vs mavericks

NAGBUHOS si Terry Rozier ng 29 points at nagdagdag si Devonte’ Graham ng 27 nang maitakas ng bumibisitang Charlotte Hornets ang 123-120 overtime win laban sa Dallas Mavericks noong Sabado ng gabi.

Nag-ambag si PJ Washington ng 19 points at binura ng Hornets ang 12-point deficit sa fourth quarter upang maitala ang magkasunod na panalo sa road games kasunod ng six-game losing streak. Naitabla ni Rozier ang talaan sa 103, may 19 segundo ang nalalabi sa regulation, pagkatapos ay umiskor ng 7 points sa extra period para sa panalo.

Kumana si Luka Doncic ng 39 points, at nagdagdag si Maxi Kleber ng career-high 24 para sa Mavericks na nalasap ang ikatlong kabiguan sa huling apat na laro.

Kumalawit si Doncic ng 12 rebounds at nagbigay ng 10 assists para sa kanyang  team-record 10th triple-double sa season. Ang Mavericks ay 1-1 ngayon sa simula ng kanilang season-long six-game homestand.

THUNDER 121, CAVALIERS 106

Patuloy ang hot shooting ni Dennis Schroder sa pagkamada ng 22 points upang iangat ang Oklahoma City kontra Cleveland.

Nagwagi ang Thunder ng season-best five consecutive games at siyam sa kanilang huling 10.

Nagtala si Schroder ng 9 of 15 mula sa floor, naipasok ang 2 sa 3 mula sa point range at umiskor ng hindi bababa sa 17 para sa ika-17 sunod na laro. Gumawa si Shai Gilgeous-Alexander ng 20 points para sa Thunder, habang nag-ambag si Steven Adams ng 10 points at 16 rebounds.

GRIZZLIES 140, CLIPPERS 104

Tumipa si Jae Crowder ng 27 points at 8 rebounds nang gapiin ng bumibisitang Memphis ang Los Angeles.

Gumawa si Jaren Jackson Jr. ng 24 points at 4 blocks, habang nagdagdag sina Ja Morant at Dillon Brooks ng tig-22 points. Nakalikom si Jonas Valanciunas ng 12 rebounds at 9 points,  pawang sa second half.

Tumirada si Montrezl Harrell ng 28 points sa 11-for-16 shooting at 9  rebounds para sa Clippers. Nagdagdag sina Lou Williams at Kawhi Leonard ng tig- 24 points.

PELICANS 117, KINGS 115

Nag-drive si JJ Redick para sa decisive layup, may 1.1 segundo ang nalalabi, na nagbigay sa New Orleans ng panalo laban sa Sacramento.

Tumabo si Lonzo Ball ng 24 points, 10 assists at 6 rebounds upang tulungan ang Pelicans na manalo sa ika-6 na pagkakataon sa nakalipas na walong laro. Nagdagdag si Jrue Holiday ng 19 points at 7 assists.

Napantayan ni Harrison Barnes ang kanyang season high 30 points subalit hindi naisalba ang Sacramento mula sa pagkatalo.

Ang iba pang resulta: Bucks 127, Spurs 118; Raptors 121, Nets 102; Jazz 109, Magic 96; Hawks 116, Pacers 111;  Celtics 111, Bulls 104; Wizards 128, Nuggets 114; at Pistons 111, Warriors 104.

Comments are closed.