(Ibinabala sa port congestion at delay sa paglabas-masok ng cargo)TAAS-PRESYO SA MGA PRODUKTO

EXPORTS, IMPORTS

NANGANGANIB maapektuhan ang presyo ng mga produkto sa pagbagal ng pagdidiskarga ng mga container mula sa mga barko at pagbiyahe ng mga kargamento bunsod ng port congestion sa Maynila.

Ito ang ibinabala ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP).

Ayon kay CTAP President Mary Zapata, ang dagdag-gastos sa logistics ay maaaring magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produkto, lalo ngayong nalalapit na ang Pasko.

Halos 27%, aniya, ng presyo ng mga produktong dumarating sa consumers ay dumaraan sa clearance, documents at ibang fees sa pagpoproseso ng mga kargamento.

Idinagdag ni Zapata na sa katunayan, ang Pilipinas ang may pinakamataas na logistics cost sa Asya.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema sa mga pantalan, magdidiskarga ang isang barko ng container vans upang iimbak sa mga yarda at kukunin ang mga ito ng truckers upang ibiyahe patungo sa destinasyon.

Ibinabalik naman ang walang lamang container vans sa yarda upang kunin ulit ng mga barko pero mas tumagal ng ilang araw bago idiskarga ang containers na naglalaman ng mga produkto kaya dalawang beses na lamang bumibiyahe kada linggo ang truckers sa halip na apat na beses.

Kailangan ding magbayad sa shipping line ng P1,000 na “detention fee” sa empty container vans kada araw bukod pa sa P100,000 na ipinapataw ng shipping liners kumpara sa dating billing na P20,000 hanggang P30,000.

DWIZ 882