NAGPAALALA kahapon si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga kabataang botante na kilatising mabuti ang mga kandidatong kanilang iboboto para sa nalalapit na midterm polls.
Sa inilunsad na special election program ng church-run Radio Veritas na “Simbahan at Halalan 2019: Debate ng mga Kabataang Botante,” na may paksang ‘Godly Vote’, nitong Lunes, sinabi ng Cardinal na mahalagang kilatisin ang kabutihan at kahinaan ng mga botante, at kung may limitasyon man sa pagkilatis ay hindi ito dapat na mauwi sa hindi na pagboto.
“Yung atin ding mga kinikilatis ay kapwa tao natin may kabutihan, meron ding mga kahinaan ano? Minsan ‘yung pagboto ‘yung pakilatis should be done humbly ha? ‘Yung ano tayo ‘yung mapagpakumbaba na aminin na parang limitado rin ‘yung ating kakayanan sa pagkilatis. Pero hindi yon para balewalain na lang yung pagkilatis sa pamimili na, ‘Ang hirap naman huwag na lang’ kung sino nalang kasi minsan ganon yung nagiging attitude,” anang Cardinal.
Ipinaliwanag pa niya na ang pagboto ay kalayaan at kakayahan ng bawat isa subalit dapat itong ibatay sa pamamagitan ng pagkilala sa katotohanan, karapat-dapat at ayon sa konsensya na makakatulong sa bansa.
“Tingnan na ang rekord niyan hindi sariling interes kundi ‘yung common good, ikakabuti ng kalahatan. Ikalawa na turo ng simbahan ay ang pagpapahalaga sa dangal ng tao yun, ‘The primacy of the value on the dignity of human life and the human per-son.’ Kaya halimbawa ‘yung mga panukala mga ideya mga isusulong na hindi makakatulong sa pagtataguyod ng karangalan ng buhay at dangal ng tao kanilang pagkatao yan dapat sinusuri, sinusuri yan,” aniya pa.
“Ang buhay ng mga dukha? Kasi sila ang pinakamarami sa lipunan. Isang malaking bahagi ng ang kabataan ,ang edukasyon, ang labor, ang ekonomiya. So iba’t ibang larangan ng buhay pero ang tutok don ay again-community, common good. Tapos yung ikaapat ay peace and reconciliation yung may kakayahan na magtaguyod ng dialogue sa halip na pag away-awayin ay pagka sundo-sunduin,” dagdag pa niya.
Nabatid na kabilang sa mga naging panauhin ng Radio Veritas sa naturang special election program ay sina Cristine Paguiringan ng University of Santo Tomas (UST); Kathrina Mai Beral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP); at Justine Tabilie mula sa University of the Philippines (UP).
Sa tala ng Comelec, mula sa higit 60 milyong registered voters, higit sa 20 milyon ang kabataan mula sa edad-18 hanggang 35 taong gulang ang makikibahagi sa National and Local Elections, na nakatakdang idaos sa Mayo 13. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.