NAGBABALA si Senadora Imee Marcos sa gobyerno na may malalabag na batas kapag itinuloy ang importasyon ng 200,000 metriko toneladang asukal.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na naglabas ng Memorandum Circular No. 11 ang Sugar Regulatory Administration (SRA) nitong nakaraang Martes para sa aplikasyon ng importasyon ng asukal.
“Ito’y labag sa dalawang temporary restraining order (TRO) na inisyu ng mga regional trial court sa Sagay at Himamaylan sa Negros Occidental noong unang bahagi ng taong ito,” paliwanag ni Marcos.
Partikular na inatasan ng Sagay court noong Pebrero ang SRA na panatilihin ang suspensiyon sa pag-import ng asukal hanggang maresolba ang kaso maliban na lang kung una na itong inalis.
Dagdag pa ni Marcos na ang pagtatanggal ng SRA sa Western Visayas sa listahan ng mga puwedeng mag-import ay “isang paraan lamang ng pag-iwas sa utos ng dalawang korte mula sa rehiyon.”
Nagpapatuloy ngayon ang mga pagdinig sa korte para resolbahan ang ‘di pagkakasundo sa pagitan ng gobyerno at ng dalawang nangungunang grupo ng mga sugar planter na humingi ng TRO — ang United Sugar Producers Federation (Unifed) at Rural Sugar Planters Association Inc”
“Ang pagtatangkang mag-angkat ng asukal sa kabila ng pagsuspinde nito ng korte ay klarong pagpasok sa isang midnight deal bago bumaba sa panunungkulan ang kasalukuyang administrasyon sa katapusan ng Hunyo,” ani Marcos, na tumukoy sa susunod na hearing na gaganapin pa sa Hunyo 28.
Inihayag ng Unifed sa tanggapan ni Marcos na magsasampa sila ng kaso laban kina Agriculture Secretary William Dar at SRA chief Hermenegildo Serafica dahil sa “contempt of court” o pagsuway sa korte.
Una nang inihayag ng naturang mga opisyal na posibleng magkaroon ng kakapusan ng asukal sa huling bahagi ng taon dahil sa pinsalang dulot ng bagyong Odette noong Disyembre, kahit pa kumpiyansa ang mga sugar planter na kaya naman nilang tugunan ang pangangailangan ng bansa sa asukal. VICKY CERVALES