SA LAHAT ng mga atleta na nanalo sa Southeast Asian Games, si Filipino judoka Kiyomi Watanabe ang pinakamatagal na humawak ng korona mula 2013 sa Myanmar hanggang 2019 sa Pilipinas matapos ang international debut sa Indonesia noong 2011 edition kung saan nagwagi siya ng bronze medal sa edad na 16.
Puntirya ni Watanabe ang ika-5 sunod na ginto sa 63 kilograms sa Hanoi SEA Games sa darating na Mayo.
Ranked 57th sa International Judo Federation, si Watanabe ay paboritong mapanatili ang kanyang korona dahil sa kanyang natatanging galing kung saan siya ang tanging atleta sa Southeast Asia na sumabak sa tatlong World Judo Championships sa France, Austria at Hungary.
Nanalo si Watanabe ng silver sa Austria at bronze sa France.
Lalahok si Watanabe sa maraming judo competitions bago sumabak sa SEA Games at Asian Games.
Kasalukuyan siyang nagsasanay sa Japan at lumalaban sa mga torneo bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa dalawang naturang international tournaments.
Kumpiyansa si Philippine Judo Federation president Dave Carter na masusungkit ng Filipino-Japanese na ipinanganak sa Cebu ang ika-5 sunod na ginto at mapananatili ang walang mantsang record sa SEA Games.
“She’s the overwhelming favourite to dominate her division. I am pretty confident she will reaffirm her supremacy in Vietnam,” sabi ni Carter. CLYDE MARIANO