IKA-8 SUNOD NA NBA FINALS TARGET NI LEBRON

WASHINGTON – Kung papalarin laban sa Boston Celtics ay aabante si LeBron James sa NBA Finals para sa ika-8 sunod na season.

Bibisita ang Cleveland Cavaliers sa Boston sa Linggo para sa pagsisimula ng best-of-seven Eastern Conference finals, kung saan ang mananalo sa serye ay makakaharap ng  regular-season pace-setter Houston o ng defending champion Golden State sa NBA Finals.

Binuhat ni four-time NBA Most Valuable Player James ang Cavs sa kinalalagyan nito nga­yon, na may average na 34.3 points, 9.4 rebounds at 9 assists sa 11 playoff games para sa Cavaliers, na naungusan ang Indiana sa  seven-game first round bago winalis ang Eastern conference top seed Toronto sa second round.

“LeBron is on just a ridiculous run,” wika ni Celtics coach Brad Stevens. “We know it will be quite a challenge.”

Si James ay tumipa ng average na 24.0 points, 10.3 rebounds at 8.3 assists laban sa Cel­tics ngayong season kung saan nagwagi ang Cleveland ng dalawa sa tatlong pagtatagpo.

“At the end of the day, you have to do whatever it takes to win,” ani James. “It doesn’t matter how it happens.”

Sasalo si James sa ikaapat na puwesto sa all-time list sa pag-usad sa kanyang ika-8 sunod na NBA Finals, kapos ng dalawa sa record run ni  Bill Russell mula sa 1960s Celtics dynasty team at naghahabol sa siyam na sunod na hawak ng  teammates ni Russell na sina Sam Jones at Tommy Heinsohn.

Si James ay 2-2 sa finals sa Miami mula 2011 hanggang 2014 at 1-2 sa  Cleveland sa nakalipas na tatlong taon, pawang kontra Golden State. Siya ay 3-5 sa finals sa kabuuan.

“Every time we come to the playoffs he has that edge,” ani Cavs coach Tyronn Lue patungkol kay James. “He’s a special player, and we all know that. What he does for us is big.”

Comments are closed.