ILANG SENATORIAL CANDIDATES, NAG-CONCEDE NA

otso diretso

ILANG kandidato na sa pagka-senador ang nag-concede at tumanggap na sa kanilang pagkatalo sa katatapos na May 13 midterm elections.

Ito’y kahit na kasisimula pa lamang ng Commission on Elections (Comelec), na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) sa pagsasagawa ng official canvassing sa resulta ng senatorial at party list race, dakong 3:00 ng hapon ng Martes.

Kabilang sa mga unang tumanggap ng kanilang pagkatalo ang mga kandidato ng  Otso Diretso coalition na sina Atty. Romulo Macalintal, Gary Alejano, dating Solicitor General Florin Hilbay, dating congressman Erin Tañada at Marawi civic leader Samira Gutoc.

Habang maginoo ring tinanggap ng journalist na si Jiggy Manicad ang kanyang pagkatalo sa unang pagsabak niya sa politika.

Ang pag-concede ay ginawa ng mga naturang senatorial candidates matapos na lumitaw sa partial at unofficial tally sa Comelec data na malabo na silang manalo pa sa eleksiyon, lalo na at 94.94% na o 83,409 ng kabuuang 87,851 clustered precincts na ang nai-transmit at nabilang.

Batay sa naturang datos, na nai-transmit sa transparency server dakong 2:50 ng hapon, kabilang sa Ma­gic 12 na makakabilang sa maipo-proklamang panalo sa eleksiyon sina Cynthia Villar na nakakuha na ng 24,463,539 votes; Grace Poe na may 21,385,655 votes; at Bong Go, na may 19,835,271 votes, at mahirap nang matibag sa unang tatlong puwesto.

Nakikini-kinita na rin ang panalo nina Pia Ca­yetano, na may 19,120,515; Bato Dela Rosa na may 18,228,049 votes; at Sonny Angara na may 17,588,135 votes.

Maganda rin ang laban nina Lito Lapid na may 16,445,145 votes; Imee Marcos na may 15,348,865; at Francis Tolentino, na may 14,929,483 votes.

Mula naman sa da­ting pang-11 puwesto ay umakyat naman si Bong Revilla, sa pang-10 puwesto sa botong  14,141,793; sumunod si Koko Pimentel sa pang-11 na may botong 14,129,736; at pang-12 si Nancy Binay na may 14,105,239 votes.

Humahabol naman sa pang-13 si JV Ejercito na may 13,857,752 boto; kasunod si Bam Aquino na may 13,745,059; at Jinggoy Estrada na may 11,012,513 votes, na nasa ika-15 puwesto.

Nagpapasalamat naman ang mga nag-concede na kandidato sa mga taong sumuporta at bumoto sa kanila sa eleksiyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.