MAAARING sumampa sa 6% ang inflation noong Hunyo sa gitna ng mas mataas na presyo ng mga bilihin at ng paghina ng piso, ayon sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa isang statement, sinabi ng BSP na umaasa itong papalo ang inflation mula 5.7% hanggang 6.5% noong nakaraang buwan.
Mas mabilis ito sa 5.4% na naitala noong Mayo, isang over-three-year high, at sa target band ng BSP na 2% hanggang 4% para sa buong 2022.
“The continued increase in domestic oil prices, upward adjustment in electricity rates, higher prices of key food items, and peso depreciation are the primary sources of inflationary pressures during the month,” ayon sa central bank.
Maaari naman itong bahagyang mapagaan ng mas mababang halaga ng isda at liquefied petroleum gas (LPG).
“Looking ahead, the BSP will continue to monitor closely emerging price developments to enable timely intervention to arrest emergence of further second-round effects, consistent with BSP’s mandate of price and financial stability,” sabi pa ng BSP.
Ito ang huling statement ng BSP sa ilalim ni Governor Benjamin Diokno, na pamumunuan ang Department of Finance sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na ang six-year term ay pormal na nagsimula kahapon.