NABABAHALA ang Transportation Network Vehicle Services (TNVS) drivers na makaapekto sa demand at sa kanilang kita ang plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbukas ng 100,000 TNVS franchises.
Ayon sa LABAN TNVS movement, ang naturang plano ng LTFRB ay magdaragdag ng napakaraming drivers sa kabila ng paghina ng demand, tulad ng naranasan noong holiday season.
“Nagrereklamo na po ang mga TNVS dahil, dahil, siyempre, bumaba ang demand ngayon. So, marami pa rin ang nasa kalsada kaya lumiit talaga ang kanilang kita. Maghahati-hati sila doon sa demand,” ani LABAN TNVS President Jun de Leon.
Gayunman, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na ang kanilang plano ay hindi magreresulta sa pagbaha ng TNVS drivers dahil ang naunang binuksang 45,000 motorcycle at 4,000 car franchises ay bahagi ng 100,000 bagong prangkisa.
Bukod dito, ang mga bagong prangkisa ay hindi lamang, aniya, para sa Metro Manila, kundi para sa Cebu, Davao, at iba pang mga lugar.