MAY kabuuang PP8.14 billion na investments ang inaprubahan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa unang quarter ng taon.
Kumpara sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang investment approvals ng PEZA mula Enero hanggang Marso ngayong taon ay bumaba ng 67.9 percent mula P25.38 billion project registrations sa kaparehong panahon noong 2021.
Ayon kay PEZA director general Charito Plaza, ang pagbagsak sa registration ng investment activities sa economic zones ay inaasahan na dahil sa nagpapatuloy na pandemya, sa Russia-Ukraine war, at sa nalalapit na national elections.
“Usually during the election period, the investors would wait for what is going to be the result of the election because they already anticipated that there will surely be new policies and laws and rules that will be adopted by the new administration,” paliwanag ni Plaza.
Bukod sa pagpapalit ng administrasyon sa Hunyo, idinagdag ng PEZA chief na ang mga investor ay maingat sa kanilang investment decisions, lalo na ang mga kompanya sa information technology and business process management (IT-BPM) sector, dahil hindi na hinihikayat ng pamahalaan ang work-from-home (WFH) set-up para sa industriya. PNA