NAGHAHANDA na ang pamahalaan na mag-isyu ng special permits at mag-deploy ng libreng sakay sa susunod na taon para sa posibleng kakulangan sa public utility vehicles (PUVs) habang papalapit ang December 31 deadline para sa consolidation ng jeepney franchises.
Sinabi ni Transportation Undersecretary TJ Batan sa ANC na maaaring mag-isyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permits sa Enero 1 sa consolidated operators para madagdagan ang mga ruta na may kaunting PUVs.
Dagdag pa ni Batan, nakikipag-ugnayan na sila sa local government units para sa deployment ng libreng sakay para sa mga pasahero na maaapektuhan ng posibleng pagbabawas ng bilang ng PUVs.
“The good news is, based on LTFRB data, all of the major roads in Metro Manila already have at least one consolidated operator. So we are not anticipating these major routes to not have any operators at all,” aniya.
“But for the other routes that may not have consolidated operator come January 1, then the LTFRB is ready to issue special permits for others to step in,” dagdag pa niya.
Ilang transport groups ang nagbabala na magkakaroon ng transport crisis sa susunod na taon kapag ang unconsolidated jeepney drivers ay hindi na pinayagang bumiyahe. Binalewala naman ng Department of Transportation (DOTr) ang nasabing babala at nanindigan sa December 31 deadline.
Sa kabila nito ay hinikayat ni Batan ang mga operator na humabol sa deadline, na hindi na, aniya, iuurong tulad ng inihayag ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.