(Inihirit ng mga manufacturer sa gitna ng oil price hikes) TAAS-PRESYO SA SARDINAS

HINILING ng isang grupo ng mga manufacturer ng canned sardines sa Department of Trade and Industry (DTI) na payagan silang magtaas ng presyo sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.

Ayon sa Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP), dapat na kagyat  na aksiyunan ng DTI ang hirit. nilang dagdag-presyo para mapagaan ang price shocks at trade disruption na dulot ng krisis sa pagitan ng Russia at ng  Ukraine.”

“We understand that the DTI needs to do a balancing act for both the manufacturers and the consumers. However, we are concerned that another round of fuel price hikes would drive up production costs by 3.5 percent,” sabi ni CSAP executive director Francisco Buencamino.

Aniya, ayaw ng industriya  na maulit ang nangyari sa kasagsagan ng  pandemya kung saan hindi na-adjust ang SRP ng ilang taon na ikinalugi nang malaki ng  mga manufacturer.

Nauna nang sinabi ng DTI na pinag-aaralan nito ang mga petisyon para sa dagdag-presyo sa basic commodities.

Tiniyak din ng ahensiya na may sapat  na suplay ng prime goods, at hindi dapat mag-panic ang mga consumer hinggil sa epekto ng Russia-Ukraine conflict sa basic necessities sa Pilipinas.

Sa ika-10 sunod na linggo nitong Martes ay muling tumaas ang presyo ng petrolyo.

Ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P3.60, diesel ng P5.85, at kerosene ng P4.10.

Ayon sa Department of Energy (DOE), inaasahang tataas pa ang presyo ng perrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa nagpapatuloy na krisis sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.

Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas na ng kabuuang P11.65 , gasolina ng P9.65, at kerosene ng  P10.30.

Inaasahang makikipagpulong ang CSAP sa DTI ngayong araw para talakayin ang kanilang kahilingan.