ISA NA LANG SA CELTICS

NAGBUHOS si Jayson Tatum ng 24 points at humugot ng pitong rebounds nang pataubin ng Boston Celtics ang Cleveland Cavaliers, 96-83, noong Miyerkoles ng gabi upang kunin ang 3-2 kalamangan sa Eastern Conference finals.

Nagdagdag si Jaylen Brown ng 17 points, tumipa si Al Horford ng 15 points at 12 rebounds, at umiskor sina Marcus Morris at Marcus Smart ng tig-13 para sa  Boston.

Nakopo ng Celtics ang lahat ng kanilang tatlong panalo sa series sa home, kung saan 10-0 sila sa playoffs.

Tumapos si LeBron James na may 26 points, 10 rebounds at 5 assists para sa Cleveland, bagama’t nakagawa siya ng anim na turnovers.

Nag-ambag si Kevin Love ng 14 points at 7 rebounds para sa Cavaliers, na naipatas ang serye sa pamamagitan ng 111-102 panalo sa Game 4 noong Lunes.

Sina James at Love lamang ang Cleveland players na umiskor ng double figures.

Nasa 83.1 porsiyento (167-34) ng Game 5 winners sa best-of-seven playoff series na tabla sa 2-2 ang nagwagi sa serye.

Nakatakda ang Game 6 sa Biyernes ng gabi sa Cleveland.

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Boston para sa kanilang unang NBA Finals appearance magmula noong 2010,  nang matalo ito sa Los Angeles Lakers sa pitong laro.

Ang Cleveland ay galing sa tatlong sunod na Finals habang si James ay may pitong sunod sa pagitan ng Cavs at Miami Heat.

Naghahabol sa 76-60 papasok sa fourth quarter,  ang Cleveland ay tinambakan ng  20 points sa kaagahan ng period bago nakalapit sa  85-73 sa layup ni James, may 4:43 ang nalalabi. Naisalpak ni Terry Rozier ng Boston ang isang pull-up jumper pagkalipas ng 17 segundo, at naipasok ni Horford ang isang 3-pointer, may 3:53 ang nalalabi, na nagbigay sa Celtics ng 90-73 bentahe.

Sumuko na ang  Cavs nang ilabas si James, may 3:11 sa orasan.

Abante ang Boston sa 32-19 sa first quarter at sa 53-42 sa halftime.

Sumiklab ang tensiyon sa second quarter nang itulak ni Larry Nance Jr. ng Cleveland si Morris sa ilalim ng basket.

Binigyan ng technical fouls sina Morris, Nance at Rozier, na tinulak si Nance bilang ganti habang nagkakagulo ang dalawang koponan.

Naghahabol ang Cavaliers sa 36-19 noong mga oras na iyon at nagpakawala ng 12-3 run upang makalapit sa walong puntos, may 8:40 ang nalalabi hanggang halftime.

Comments are closed.