SANAY na tayo sa kaliwa’t kanang batikusan sa mundo ng politika lalo sa panahon ng eleksiyon dahil ito ang paboritong teknik ng mga kandidato upang hilahin pababa ang kanilang mga katunggali sa pagbabakasakaling ang kanilang pangalan ang mangingibabaw sa aktwal na halalan.
Ngunit hindi rin naman natin masisisi ang mga kandidato dahil ayon sa mga psychological expert, sa mga negatibong isyu higit na rumeresponde ang mga indibidwal.
Kaya lamang, tila nakakalimutan na ng ilang mga kandidato at supporters nila ang pandemyang hindi lamang sakit at panganib ang naidulot sa ating pangangatawan, kundi ay higit din itong nakaapekto sa mentalidad ng mga mamamayan na halos dalawang taong nagtiis sa pabago-bagong community quarantine restriction.
Dagdag pa, hindi nakatutulong ang patuloy na batuhan ng maaanghang na salita mula sa mga kandidato ngayong eleksiyon dahil imbes na pakinggan ito ng mga mamamayan ay nakadaragdag lamang ito sa kanilang matagal nang iniindang stress.
Sa lahat ng kampo at mga kandidato, tila ang grupo lamang ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang naging kakaiba sapagkat sila ay mas nakatuon sa positive campaigning kaysa sa makipagtunggalian sa kanilang mga kalaban sa eleksiyon.
Kung ating ikukumpara sa mga katunggali ni Marcos, kapansin-pansing ang ibang mga kandidato sa pagka-presidente ay panay lamang sa paghila sa pangalan ng dating senador imbes na ituon nila ang kanilang mga sarili sa pagtalakay ng mga isyu ng bansa na kailangang tugunan. Mas mapapansin din natin na sa kabila ng mga batikos ay mas marami pa ring mga Pilipino ang naghahayag ng suporta para sa dating senador.
Ang kampanyang ito ay hindi magiging lalong matagumpay kung hindi dahil sa tagapagsalita ng kampo ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, sapagkat hindi lamang siya naging mahusay sa paglilinaw ng mga isyu tungkol sa dating senador at ang kanilang mga plataporma, kundi ang kanyang pananalita ay punum-puno rin ng propesyunalismo.
Isa itong patunay na ang pagtatak ng mga mensahe ay nangangailangan ng isang mahusay na tagapaghatid ng impormasyon.
Sa pananalita ni Atty. Rodriguez ay marahil magtataka ka kung papaano niya napananatili ang pagiging kalmado kahit pa paulit-ulit siya sa pagpapaliwanag ng mga paulit-ulit ding mga isyu na ibinabato laban sa kanilang kampo.
Katulad ng istratehiya na ang positibong pangangampanya ang dapat na direksiyon na tahakin ng mga kandidato lalo ngayon na pormal nang nagsimula ang campaign period, dahil ito ang magbibigay sa mga botante ng sapat na impormasyon at maglalagay sa kanila sa tamang posisyon upang iboto ang nararapat na maihalal sa puwesto.
Sa panahong naglipana ang mga negatibo at toxic na isyu dahil COVID-19, isang welcome relief na wala munang batuhan ng putik, insultuhan, o anumang negatibong mensahe, sapagkat kapansin-pansing pagod na ang mga mamamayan sa ganitong uri ng kampanya.
Sa aking opinyon, ang ibig nang malaman ng mga Pilipino ngayon ay ang mga plano para sa bansa, at kung ano ang mga gagawin upang makamit ito sa oras na sila na ang mailuklok sa puwesto.
Sa panahon ngayon na tayo ay nagsisimula nang muli na umahon mula sa hagupit ng pandemya, mas dapat malaman ng Pilipino ang mga programa ukol sa post-pandemic recovery, ang kanilang mga hangarin para ibangon ang ekonomiya, at kung paano pauunlarin ang kalakalan at mga negosyo.
Higit na mahalaga ang bawat salitang magmumula sa bawat kalahok, dahil dito makikita kung sila ay karapat-dapat bang ihalal sa pwesto, o kung sila ay uhaw lamang sa posisyon.
Positive campaign ang ating kailangan, at ng pagpapakita ng propesyunalismo sa pananalita at sa gawa, at hindi sa paghihila ng ibang tao pababa.