ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatupad ng mas maraming renewable energy (RE) projects sa bansa upang makatulong na mapababa ang halaga ng koryente at matiyak ang sapat na suplay.
Batay sa datos mula sa Manila Electric Co. (Meralco), ang renewable energy plants ay nagbibigay ng pinakamurang generation cost kung ihahambing sa coal-fired at gas-fired power plants. Ipinakita ng datos na noong buwan ng Hulyo, ang mga coal plant ang may pinakamataas na average generation cost na nasa P8.0978 per kilowatt hour (kWh) habang ang gas-fired power plants ay may average generation cost na P5.6636 per kWh at P4.7052 lamang kada kWh ang average generation cost ng RE power plants.
Ipinakita rin ng parehong datos na ang REplants ay nag-ambag lamang ng 7.69% ng kabuuang koryente na binili ng Meralco noong nakaraang buwan.
“Malinaw na ipinapakita ng datos ang benepisyo ng renewable energy para sa ating mga kababayan dahil ito ang may pinakamababang generation cost,” ani Gatchalian.
Nauna na nitong inihain ang Senate Bill No.157 o ang Energy Transition Act, na nagtatakda para sa paglikha ng isang Energy Transition Plan upang makamit ang net zero emissions pagdating ng 2050 at alisin ang pagdepende ng bansa sa imported na langis.
Sinabi ni Gatchalian na habang nasa ‘energy transition’ ang bansa ay kailangang maghanap ng iba’t ibang mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.
Si Gatchalian ay naghain ng Senate Bill 485 o ang An Act Enhancing The Implementation of the Net-Metering Program, Amending For The Purpose Republic Act 9513, o The Renewable Act Of 2008.
Ang panukalang batas na ito, na dinisenyo upang pasiglahin ang pamumuhunan sa sektor ng renewable energy ay naglalayong alisin ang 100-kilowatt (kW) na limitasyon sa generation facilities na lalahok sa net metering program.
Sa ilalim ng mga umiiral na batas, ang net metering ay nagbibigay-daan sa mga mayroong RE facility na maglagay ng koryente sa grid bilang kontribusyon nila sa tinatawag na common pool of power na ibabawas mula sa kanilang pagkonsumo.
Samantala, kamakailan lang ay naglabas ng isang circular ang Department of Energy (DOE) na nag-aalis ng mga limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ng REprojects.
Ang circular ay nagbibigay-daan sa mga dayuhang mamumuhunan na gumalugad, bumuo, at gumamit ng RE resources gaya ng solar, wind, biomass, ocean, at tidal energy.
-VICKY CERVALES