JAKE CUENCA NAKIPAGHABULAN SA PULIS, GRAB DRIVER NAHAGIP NG BALA PAULO AVELINO IPINAGTANGGOL ANG KAIBIGAN

Nakipagha­bulan daw si Jake Cuenca sa mga pulis noong Sabado ng gabi, October 9, 2021 mula Mandaluyong hanggang Pasig, nagkaputukan, at aksidenteng tinamaan ng bala ang isang Grab driver.
Ayon sa report, naganap ang barilan sa Shaw Boulevard corner Meralco Avenue, Pasig City. Nahuli umano si Jake ng pulis na lasing habang nagmamaneho. Inakusahan umano itong may nasagasaan.
Sa video na hindi masyadong malinaw, malinaw na narinig ang tinig ng actor na nagsabing: “Bossing, wala talaga akong sinagasaan.”
Agad naisugod ang Grab driver sa ospital ngunit hindi pa alam kung sino ang nakabaril, si Jake ba o ang mga pulis.
Natamaan umano ng ligaw na bala ang Grab driver habang hinahabol ng mga pulis ang sasak­yan daw ni Jake dahil hindi huminto sa checkpoint.
Ayon sa mga saksi, nagkabarilan matapos habulin ng mga pulis si Cuenca, tumalbog ang bala sa kotse, at natamaan ang Grab rider, na naging sanhi upang mahulog ito sa motorsiklong sinasakyan.
Ayon pa sa mga saksi, inakusahan si Cuenca na nakabangga sa Mandaluyong at tumakas kaya hinabol ng mga pulis.
Dinala ang Grab driver sa Rizal Medical Center in Pasig.
Kinumpirma naman kay Eastern Police District director, Police Brigadier General Matthew Baccay, na totoong nabangga ng SUV ni Cuenca ang isang police vehicle dakong 9 p.m. noong October 9, habang nagsasagawa sila ng anti-Marijuana operation sa Mandaluyong.
Kinilala ng mga pulis ang driver ng SUV na si Jake Cuenca, na hindi umano huminto kahit nakabangga hanggang makarating sa Shaw Blvd., Pasig City.
Abi Baccay, “So last night about 9 p.m., me­ron dumaan na sasakyan. Unfortunately, tinamaan yung sasakyan ng pulis natin. Actually it was reported na Jeep na sasak­yan, so nagulat yung police personnel natin na hindi tumigil yung sasakyan. So hinabol ng mga pulis natin, hanggang nakarating sa area na ng Pasig, dito sa Shaw. When confronted, ayun nga, ang driver ng sasakyan was yung actor, si Jake Cuenca.”
Kinumpirma rin ni Baccay na may biktima ng stray bullet habang nakikipaghabulan ang mga pulis.
“In the course of nung chase nila, yung mga personnel natin have to disable yung sasak­yan. Pinaputukan yung gulong,” aniya. “Wala namang tinamaan, pero meron tayong yung kuwan, yung stray bullet, meron tinamaan tayong isang Grab driver.”
Gayunman, ligtas na umano ang Grab driver at nasa stable condition.
Dagdag pa niya, “We are taking care of this Grab driver. Very unfortunate itong incident… This is a very unfortunate incident, walang may gusto into. But nonetheless, I instructed to POP ng Mandaluyong, Col. Mel Onos, na to take care of all the needs of this victim. Yung tinamaan ng stray bullet.”
Nakakulong na rin umano si Jake at isinailalim sa medical examination upang matiyak na lasing nga ito habang nagmamaneho.
Hindi kinumpirma o itinanggi ni Baccay kung lasing nga ang actor, o kung anuman ang resulta ng medical examination.
Gayunman, sinabi niyang walang nakitang anumang illegal sa loob ng sasakyan ni Jake.
Haharap si Cuenca sa face inquest proceedings sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.
Nakakuha naman ng kakampi si Jake sa kapwa Kapamilya star na si Paulo Avelino. Anito, kung siya man si Jake, malamang na hindi siya hihinto lalo’t hindi nito alam na pulis pala ang mga humahabol sa kanya.
Sino raw naman ang hihinto kung binabaril ang kotse mo? Sino rin ang hihinto sa checkpoint na nakasoot ng civi­lian clothes ang magtsi-check? Malay ba niya “If someone was shooting me it’s either I shoot back or run for my life. Wrong place wrong time,” ani Paulo.
Dagdag pa ni Paulo, hindi lasing si Jake nang gabing iyon dahil hindi naman ito naglalasing. Aniya, “Drunk? No. Nakainom? Maybe. Nakasagasa ba? Nakasakit ng tao? Hindi.
Papunta raw si Jake sa kanya nang maganap ang insidente para dalawin siya dahil kagagaling lang niya sa covid. Hindi rin umano siya naniniwalang nakabangga si Jake dahil imposibleng hindi mo alam kung nakabangga ka o hindi. And the mere fact na itinatanggi ito ni Jake, naniniwala umano siya dito.
Besides, wala uma­nong marka ang sasakyan ni Jake o kahit galos man lamang base sa mga lit­ratong kumalat sa social media.
Bukod dito, private vehicle din umano ang gamit ng isang pulis at hindi official police car, na sinasabing nabangga ni Jake.
Sabi ni Paulo sa netizen (published as is), “Ma’am wag po tayo magmarunong. Wala pong tama sasakyan niya. Kung may nasagi man gulong niya malang dahil kita naman po sa mga picture.
Dagdag pa ni Paulo, malulusutan ni Jake ang nasabing kaso dahil wala siyang kasalanan. Ang inaalala lamang daw nila ay ang grab driver na nadamay.
Handa umanong sumaklolo si Paulo kay Jake kung kailangan nito ang tulong. Alam daw niyang ganoon din ang gagawin ni Jake sakaling siya ang malagay sa kaparehong sitwasyon.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kampo ni Jake tungkol sa insidente.– KAYE NEBRE MARTIN

Comments are closed.