KUMANA si Lonnie Walker IV ng isang sensational basket habang paubos ang oras at humabol ang San Antonio Spurs upang silatin ang Utah Jazz, 128-126, Biyernes ng gabi sa Salt Lake City.
Sinagasa ni Walker ang depensa ni 7-foot-1 center Rudy Gobert, ang three-time Defensive Player of the Year, at bumanat ng fadeaway para sa go-ahead score, may 14.9 segundo ang nalalabi.
Umiskor si Keldon Johnson ng 24 points at nagdagdag si Derrick White ng 22 para sa Spurs, na naghabol ng 17 points sa second half bago rumolyo sa panalo, na pumutol sa eight-game winning streak ng Jazz.
Tumapos si Walker na may 19 points at isa sa pitong players ng Spurs sa double figures. Nag-ambag si Dejounte Murray ng triple-double na 16 points, 11 rebounds at 11 assists. Nanguna si Donovan Mitchell para sa Jazz na may 27 points, ngunit sumablay sa kanyang potential game-winning attempt sa buzzer.
Timberwolves 110, Lakers 92
Tumirada si Karl-Anthony Towns ng 28 points at 10 rebounds upang pangunahan ang Minnesota sa panalo laban sa bisitang Los Angeles sa Minneapolis.
Umiskor sina D’Angelo Russell at Malik Beasley ng tig-17 para sa Minnesota, na nanalo ng tatlong sunod. Tumapos si Jaylen Nowell na may 14 points mula sa bench.
Nanguna si Isaiah Thomas para sa Lakers na may 19 points sa kanyang season debut. Tumipa si LeBron James ng 18 points at nagdagdag si Anthony Davis ng siyam bago paika-ikang nagtungo sa locker room sa third quarter.
Ayon sa Lakers, nagtamo si Davis ng left knee contusion at muling isasailalim sa ebalwasyon sa Chicago sa Sabado.
Heat 115, Magic 105
Naitala ni Max Strus ang 23 sa kanyang career-high 32 points sa first half, kumubra si Gabe Vincent ng career-best 27 points at sinamantala ng Miami ang kakulangan sa tao ng Orlando para gapiin ang host Magic para sa ika-4 na sunod na panalo sa Sunshine State rivalry.
Nagpasabog si Strus ng career-high eight 3-pointers at nagsalpak si Vincent ng apat, habang naipasok ng Miami ang 19 sa 35 triples bilang isang team.
Nagbuhos si P.J. Tucker ng 15 points, tumapos si dating Magic player Dewayne Dedmon na may 13 points at nakalikom si Kyle Lowry ng kabuuang 11 points at season-high 15 assists.
Nagbida si Franz Wagner (27 points) para sa Orlando, na nasa seven-game skid sa ikalawang pagkakataon ngayong season. Nagdagdag si Gary Harris ng season-high 20 points at gumawa sina Chuma Okeke at Robin Lopez ng tig-18, na season-highs din.
Sa iba pang laro: Warriors 111, Celtics 107; Trail Blazers 125, Hornets 116; Pelicans 116, Bucks 112 (OT); Nuggets 133, Hawks 115; Grizzlies 124, Kings 105.