NAKATAKDANG umapela sa korte ang mga kaanak ng mga biktima sa Maguindanao massacre case at hihilinging gawing doble ang matanggap nilang danyos mula sa mga akusado.
Sinabi ni Atty. Harry Roque, abogado ng 18 sa mga biktima, marapat lamang na madoble ang civil damages na ibibigay sa pamilya ng mga biktima lalo pa at matatagalan pa bago ito makuha o maibigay matapos na hatulang guilty ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ang pamilya Ampatuan na pangunahing mga akusado sa krimen.
Nakasaad sa desisyon ni Judge Solis-Reyes na magbayad ng danyos ang mga Ampatuan sa mga naulila ng mga biktima ng halagang P350,000 hanggang P23.5 million.
Ayon naman sa Department of Justice, posibleng abutin pa ng ilang taon bago makuha ng mga kaanak ng mga biktima ang danyos dahil maaari pang umapela sa Korte Suprema ang mga Ampatuan na ngayon ay nakapiit na sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.