KATAWAN NG LALAKI NATAGPUAN SA KOTSE

patay

LAGUNA – NAKABUSAL ang bibig habang may tali ang kamay at paa nang matagpuan sa loob ng isang kotse ang bangkay ng isang lalaki sa bahagi ng Bgy. Lawa, lungsod ng Calamba kahapon ng umaga.

Base sa inisyal na ulat ni P/Lt. Col. Gene Licud, hepe ng pulisya, bandang ala-6 ng umaga nang makita ng mga residente sa lugar ang  isang kulay gray na sasakya may conduction sticker na EF-2112 habang nakahimpil sa tapat ng Torres Vulcanizing Shop at may tumatagas na dugo mula sa loob.

Agad ipinagbigay alam ito sa pulisya kasunod ang isinagawang pagsusuri ng nagrespondeng mga kagawad ng Scene of Crime Operatives (SOCO).

Sa likurang bahagi ng sasakyan tumambad ang duguang bangkay ng isang lalaki na nakagapos ang mga kamay at paa at nakabusal ang bibig na hinihinalang pinalo ng matigas na bagay sa kanyang ulo na siyang ikinamatay ng biktima.

Narekober din sa loob ng sasakyan ang isang Identification Card na nakapangalan sa isang Dennis V. Silva, Sales Staff ng LVS Boutique at residente ng Alfonso Homes, Sta. Rosa City.

Gayunpaman, inaalam ng mga awtoridad kung pag-aari ito ng biktima dahil na rin sa narekober na peke umanong dokumento ng sasakyan. DICK GARAY

Comments are closed.