Mga laro sa Linggo:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – EAC vs Perpetual (Men Finals)
2:30 p.m. – Letran vs Benilde (Women Finals)
LUMAPIT ang College of Saint Benilde sa pagkumpleto sa three-peat kasunod ng 25-21, 25-19, 25-14 pagdispatsa sa Letran sa Finals opener ng NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.
Napanatili ng Lady Knights, na nasa kanilang unang championship appearance magmula noong 2012, na dikit ang laban sa first set bago nadominahan ng Lady Blazers ang sumunod na dalawa upang kunin ang 1-0 lead sa best-of-three series.
“’Yung ganoong klaseng first set, diyan tayo magpo-focus, viewing, details. Diyan tayo makakakuha ng lessons,” sabi ni coach Jerry Yee sa broadcaster GTV.
Magtatangka ang Benilde sa kanilang ika-4 na titulo sa kabuuan sa Game 2 sa Linggo, alas-2:30 ng hapon, sa San Juan arena.
“’Yung Game 1, importante sa amin sabi ni coach (Yee) kasi ito ang magse-set ng tone ng championship. Pero ngayon, back-to-zero. Back-to-zero mentality,” ani Gayle Pascual.
“So mahaba pa, meron pang Game 2, possible na magkaroon ng Game 3,” dagdag pa niya.
Ang Letran (1977-80), San Sebastian (1982-84, 1986-88, 1990-96, 1999-2002, 2005-11), University of Perpetual Help System Dalta (2012-14) at Arellano University (2017-19) ang mga eskuwelahang nakakumpleto ng three-peat.
Ang isa pang titulo ng Lady Blazers ay noong 2016, makaraang gulantangjn ang Grethcel Soltones-led Lady Stags sa isang epic championship series.
Humataw si Pascual, ang Finals MVP noong nakaraang season, ng efficient 13-of-22 kills upang tumapos na may 14 points, habang gumawa rin si Michelle Gamit ng 14 points sa 11-of-19 spikes at 3 blocks para sa Benilde.
Naitala ni Zam Nolasco ang apat sa walong blocks ng Lady Blazers at ang isa pang player sa double digits na may 12 points habang gumawa si setter Clo Mondoñedo ng 15 excellent sets.