LADY BULLDOGS LUMAPIT SA FINALS

Mga laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UE vs FEU
12:30 p.m. – AdU vs DLSU
4 p.m. – NU vs UST
6:30 p.m. – Ateneo vs UP

DUMIKIT ang National University sa pagkopo ng outright Finals berth makaraang dispatsahin ang Far Eastern University, 24-26, 25-17, 25-19, 25-10, sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Nasikwat naman ng University of Santo Tomas ang ikalawang sunod na Final Four appearance nang gapiin ang wala pang panalong University of the East, 26-24, 25-18, 25-19.

Sisikapin ng Lady Bulldogs na masakmal ang perfect 14-0 campaign sa pagharap sa Tigresses sa final matchday ng double-round eliminations bukas, alas-4 ng hapon, sa parehong Pasay venue.

Pinanghihinayangan ni coach Karl DImaculangan ang matamlay na simula ng NU na hindi dapat mangyari sa elims finale kontra UST, na hindi lamang tinatarget ang Final Four, kundi maging ang twice-to-beat incentive.

“’Yun ‘yung consequence ‘pag hindi kami naglaro nang maayos, hindi kami nag- effort,” sabi ni Dimaculangan, kung saan kinuha ng Lady Tamaraws ang opener bago natalo sa sumunod na tatlong sets.

“’Yung mga ganong game ‘yun ‘yung nire-remind ko sa kanila na hindi kami puwede maging complacent kahit sinong kalaban, good thing na lang din naka-recover kami.”

Nanguna si Mhicaela Belen para sa Lady Bulldogs na may 18 kills, 9 receptions at 8 digs, habang nagdagdag si Sheena Toring ng 3 blocks para sa 12-point outing at nag-ambag si Alyssa Solomon ng 10 points.

Nagbigay si NU playmaker Camilla Lamina ng 25 excellent sets na sinamahan ng team-best two service aces, habang kumolekta si libero Jen Nierva ng 18 digs at 12 receptions.

Umangat ang Tigresses sa 9-4, at kailangan nilang talunin ang Lady Bulldogs para makaiwas sa twice-to-beat disadvantage sa Final Four.

Nanguna si Ypril Tapia para sa UST na may 13 kills, kumubra si Eya Laure ng 12 points, 12 receptions, at 7 digs, habang nagdagdag si KC Galdones ng 11 points.

Nahulog ang Lady Tamaraws at Lady Warriors sa 1-12 at 0-13 records, ayon sa pagkakasunod.