LADY BULLDOGS SASALANG NA SA SSL

Mga laro ngayon: 

(Filoil EcoOil Centre, San Juan)

11 a.m. – CSB vs CSJL

2 p.m. – EAC vs vs FEU

5 p.m. – UE vs NU

SASALANG na ang reigning champion National U sa pinakaaabangang debut nito kontra bagong bihis na University of the East sa ikalawang linggo ng Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 ngayong Sabado sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan. 

Nakatakda sa alas-5 ng hapon ang main event ng triple-header action sa Pool A kung saan susubukan ng Lady Bulldogs ang lakas ng Lady Warriors, sa pangunguna ni super rookie Casiey Dongallo.

Ang NU na galing sa international stints upang katawanin ang bansa bukod pa sa pagiging defending champion makaraang walisin ang inaugural SSL season noong nakaraang taon, ang paborito na muling mag-uuwi ng korona.

Subalit walang plano ang Lady Bulldogs na magkampante laban sa gutom na Lady Warriors, na pinataob ang Jose Rizal U, 25-14, 25-21, 25-19, sa opener ng SSL. “I think the game will be very exciting for everyone as UE is making a new name in the UAAP. They’re doing great.

Kami naman as a team, we want to show them what we learned from the national team and what we can do as a team here,” sabi ni bagong Lady Bulldogs skipper Erin Pangilinan.

Kapwa magpaparada ang dalawang koponan ng bagong coach kung saan magbabalik si Norman Miguel sa NU head coaching post habang lumipat si Jerry Yee, concurrent mentor ng College of St. Benilde sa NCAA, sa UE matapos ang makasaysayang stint sa Adamson.

Habang may ipinagmamalaking youth power ang Lady Warriors sa katauhan ni Dongallo , nasa Lady Bulldogs naman ang lethal duo nina Alyssa Solomon at Mhicaela Belen.

Si Solomon ang inaugural SSL MVP habang si Belen ang kauna-unahang Rookie-MVP sa UAAP women’s volleyball noong Season 84.

“Nasa amin ‘yung adjustment since galing kami sa national team stint. Pupuliduhin namin kung ano yung natutunan namin at kung ano pa ‘yung kulang namin of course with coach Norman’s new system,” dagdag ni Pangilinan.

Samantala, sisimulan din ng back-to-back champion CSB ang kanilang redemption bid laban sa Colegio de San Juan de Letran (0-1) sa alas-11 ng umaga sa Pool C matapos ang stunning quarterfinal exit sa SSL National Invitationals na tinampukan ng mga champion sa buong bansa.

Sa alas-2 ng hapon ay target ng Far Eastern U (1-0) ang ikalawang sunod na panalo laban sa debuting Emilio Aguinaldo College sa Pool D upang kumpletuhin ang triple-header ng SSL Season 2.