LAKERS, BUCKS RUMESBAK; ROCKETS, HEAT DUMALAWA

Anthony Davis

TUMAPOS si Anthony Davis na may 31 points at 11 rebounds nang pulbusin ng Los Angeles Lakers ang Portland Trailblazers, 111-88, upang maitabla ang kanilang best-of-7 Western Conference first-round series sa 1-1.

Nakalikom si Kentavious Caldwell-Pope, na naging malamig ang shoting sa opener, ng 16 points sa 4-of-6 3-point shooting, habang nagdagdag si LeBron James ng 10 points at 7 assists.

Kumawala ang Lakers sa huling bahagi ng first half at lumamang ng hanggang 33 points.

Ang 88 points ng Blazers ang kanilang pinakamababang scoring output sa season.

Nanguna si Damian Lillard, nagpasabog ng 34 points sa Game 1, para sa Portland na may 18, ang kanyang pinakamasamang laro sa Disney bubble.

BUCKS 111,

MAGIC 96

Nalimitahan ng Milwaukee Bucks ang Orlando Magic sa tatlong field goals sa first quarter tungo sa double-digit lead, pagkatapos ay sumandal sa 28 points at game-high 20 rebounds ni Giannis Antetokounmpo upang itakas ang panalo at itabla ang kanilang best-of-seven playoff series sa 1-1.

Kumana si Nikola Vucevic ng game-high 32 points, subalit walang nakuhang suporta sa kanyang teammates sa Magic, at naiganti ng Milwaukee ang masamang depensa sa 122-110 pagkatalo sa Game 1 noong Martes.

Nakatakda ang Game 3 sa Sabado sa NBA bubble sa ESPN Wide World of Sports complex.

Bumuslo lamang ang Orlando ng  3-for-23 sa unang  12 minuto at gumawa ng 6 turnovers, habang maagang nadominahan ng top-seeded Bucks ang laro at hindi nito hinayaan ang eighth-seeded Magic na makadikit.

Lumamang ang Milwaukee ng hanggang 23 sa third quarter, at nakalapit lamang ang Orlando sa single digits sa second half.

ROCKETS 111,

THUNDER 98

Kumamada si James Harden ng 21 points, at nagpakawala ang Houston Rockets team na malamig sa field sa unang tatlong quarters, ng 20-2 run upang patahimikin ang Oklahoma City Thunder.

Nagdagdag si Danuel House Jr. ng 19 points at 9 rebounds para sa Houston, na kinuha ang 2-0 lead sa kanilang West first-round series.

Kumapit ang Thunder, na naghabol ng hanggang 23 points sa Game 1 bago nalasap ang 108-123 kabiguan, hanggang sa sumabog ang Rockets.

HEAT 109,

PACERS 100

Umiskor si Duncan Robinson ng  24 points, kabilang ang pitong 3-pointers, nang pataubin ng  Miami Heat ang Indiana Pacers upang kunin ang 2-0 lead sa kanilang East first-round series.

Isang beses lamang sumablay si Robinson sa 3-point area, at apat na teammates niya ang nag-ambag mula sa rainbow territory.

Tabla ang laro sa 44-all nang bumanat si Jimmy Butler ng personal 7-0 run na nagbigay sa Heat ng 51-46 halftime lead, bago ito pinalobo sa 16 points upang pangalagaan ang panalo.

Comments are closed.