NAGBUHOS si Jayson Tatum ng 37 points at 11 rebounds nang sirain ng host Boston Celtics ang pinakaaabangang pagbabalik ni LeBron James sa 130-108 panalo laban sa Los Angeles Lakers nitong Biyernes ng gabi.
Tumapos si James na may 23 points sa 10-of-16 shooting at 6 rebounds sa 32 minutong paglalaro makaraang lumiban sa walong sunod na laro dahil sa abdominal strain.
Nagsalansan si Marcus Smart ng 22 points, 8 rebounds at 6 assists para sa Boston. Umiskor si Celtics guard Dennis Schroder ng 21 laban sa kanyang dating koponan.
Nagdagdag si Al Horford ng 18 points at nagtala si Josh Richardson ng 15 para sa Celtics, na nakopo ang ika-6 na panalo sa siyam na laro. Hindi naglaro si All-Star forward Jaylen Brown sa ika-7 sunod na game dahil sa Grade 1 right hamstring strain. Lumiban din si Celtics center Robert Williams III dahil sa left knee tendinopathy.
Tumipa si Anthony Davis ng 31 points, nagdagdag si Carmelo Anthony ng 13 at nakalikom si Russell Westbrook ng 12 points, 6 assists at 4 boards para sa Los Angeles, na 3-5 na wala si James.
WARRIORS 105,
PISTONS 102
Tumirada si Jordan Poole ng season-high 32 points at naungusan ng short-handed Golden State Warriors ang host Detroit Pistons, 105-102.
Tumipa si Andrew Wiggins ng 27 points at nagdagdag si Nemanja Bjelica ng 14 mula sa bench. Nag-ambag si Gary Payton II ng 12 points para sa Warriors.
Naglaro ang Golden State na wala ang ilang key players, kabilang si two-time Most Valuable Player Stephen Curry. Ang leading scorer ng liga na may 29.5 points kada laro, si Curry ay hindi naglaro dahil sa left hip contusion
Si Draymond Green ay ‘inactive’ sanhi ng right thigh contusion, habang sina Andre Iguodala ay (right knee soreness) at Otto Porter Jr. (left foot injury management) ay hindi rin naglaro.
Nanguna si reserve Frank Jackson para sa Pistons na may season-high 27 points. Nag-ambag sina Jerami Grant at Cade Cunningham ng tig-19 points para sa Detroit, at nagdagdag si Hamidou Diallo ng 10 points.
HORNETS 121,
PACERS 118
Kumabig si LaMelo Ball ng 32 points at nakopo ng Charlotte Hornets ang ika-5 sunod na panalo nang gapiin ang bisitang Indiana Pacers, 121-118.
Bumuslo si Ball ng 12-for-22 mula sa field at nagtala rin ng 11 rebounds at 8 assists.
Tumabo si Gordon Hayward ng 25 points para sa Hornets na may anim na players sa double-figure scoring.
Nagposte si Kelly Oubre Jr. ng 16 points, gumawa si Miles Bridges ng 14, tumipa si Cody Martin ng 12 at nagdagdag si Terry Rozier ng 10 points.
Umiskor si Jeremy Lamb ng 23 points mula sa bench at nakalikom si Malcolm Brogdon ng 16 para sa Pacers, natalo ng tatlong sunod.