SININDIHAN ni Avery Bradley ang third-quarter run sa pamamagitan ng isang 3-pointer nang malusutan ng Los Angeles Lakers, makaraang maghabol sa buong first half, ang bumibisitang Cleveland Cavaliers, 128-99, noong Lunes ng gabi.
Umiskor si LeBron James ng game-high 31 points habang nagposte si Dwight Howard ng 21 points at 15 rebounds mula sa bench, upang tulungan ang Lakers na makopo ang ika-9 na sunod na panalo at putulin ang two-game winning streak ng Cleveland.
Tumipa sina Kevin Love (21 points, 11 rebounds) at Tristan Thompson (17 points, 10 rebounds) ng double-doubles para sa Cavaliers, na binuksan ang six-game trip sa pamamagitan ng panalo sa Detroit at Denver.
BLAZERS 115, HORNETS 112
Nagbuhos si Damian Lillard ng 30 points at 9 assists nang masingitan ng Portland Trail Blazers ang bumibisitang Charlotte Hor-nets.
Nagdagdag si CJ McCollum ng 27 points at gumawa si Carmelo Anthony ng 17 sa ikatlong panalo pa lamang ng Portland sa 11 games. Mula sa bench ay kumana si Anthony Tolliver ng 16 points sa 7-of-8 shooting at nakakolekta rin ng 11 rebounds.
Bumira si Devonte’ Graham ng walong 3-pointers at nagposte ng 27 points at 10 assists para sa Hornets, na natalo ng limang sunod at sa 11 sa nakalipas na 13. Kumabig si Terry Rozier ng 25 points at 7 rebounds, habang nagdagdag sina P.J. Washington ng 20 points at 11 rebounds at reserve Willy Hernangomez ng 14 points sa 7-of-8 shooting.
Nalasap ng Charlotte ang ika-12 sunod na kabiguan sa Portland magmula nang huling magwagi noong March 29, 2008.
MAGIC 114, KINGS 112
Tumirada si Nikola Vucevic ng 26 points at kumalawit ng 15 rebounds, at nagdagdag si Aaron Gordon ng 19 points, kabilang ang isang three-point play, may 1.1 segundo ang nalalabi, upang pangunahan ang panalo ng bumibisitang Orlando Magic laban sa Sacramento Kings.
Umiskor si Evan Fournier ng 25 points at nag-ambag si Markelle Fultz ng 16 para sa Magic.
Tumabo si Nemanja Bjelica ng career-high 34 points at nakakolekta si De’Aaron Fox ng 31 para sa Kings, na nalasap ang ikalawang sunod na pagkatalo sa home laban sa isang Eastern Conference foe. Nalasap ng Sacramento ang 127-106 decision sa Milwaukee Bucks noong Biyernes sa kabila na hawak ang kalamangan sa third quarter.
PACERS 101, 76ERS 95
Kumamada si Malcolm Brogdon ng 21 points sa kanyang pagbabalik mula sa sore back at strep throat nang igupo ng Indiana Pacers ang Philadelphia 76ers sa Indianapolis.
Nagtala si T.J. Warren ng 21 points at tumipa si Domantas Sabonis ng 10 points at 16 rebounds para sa Pacers, na umangat sa 16-5 sa home ngayong season.
Tumapos sina Myles Turner at Justin Holiday na may tig-14 points para sa Indiana na binura ang 11-point deficit sa third quarter upang iposte ang ikatlong panalo sa huling apat na laro.
Sa iba pang laro ay pinaamo ng Celtics ang Bulls 113-101; ginapi ng Pelicans ang Pistons, 117-110; at pinadapa ng Thunder ang Wolves, 117-104.
Comments are closed.