MUNTIK nang maka-triple-doubles sina Donovan Mitchell at Mike Conley at kumamada si Jordan Clarkson ng 18 points mula sa bench nang tambakan ng red-hot Utah Jazz ang Los Angeles Lakers, 114-89, noong Miyerkoles ng gabi sa Salt Lake City.
Tumapos si Conley na may 14 points, 8 rebounds at 8 assists, habang nakalikom si Mitchell ng 13 points, 10 rebounds at 8 assists sa kanyang unang laro magmula nang kunin ang second spot sa All-Star Game.
Nagdagdag si Rudy Gobert, nakuha rin ang kanyang ikalawang All-Star team, ng 18 points na may 9 rebounds para sa Jazz na nakopo ang ika-22 panalo sa 24 games. Ito rin ang ika-20 pagkakataon na nanalo sila ng double digits.
Nag-ambag si Bojan Bogdanovic ng 15 points — pawang sa 3-pointers para sa Utah, na may pinakamagandang record sa franchise history sa pagsisimula ng season (26-6) at ang best mark sa NBA sa kasalukuyan.
Gumawa si LeBron James ng 19 points subalit hindi sapat para maisalba ang Lakers sa pinaka-lopsided na pagkatalo sa season.
Nalasap ng Los Angeles, naglaro na wala sina Anthony Davis at Dennis Schroder, ang ika-4 na sunod na pagkabigo.
HEAT 116,
RAPTORS 108
Nagbuhos si Jimmy Butler ng 27 points, 10 assists, 8 rebounds at 3 steals upang pangunahan ang host Miami Heat sa 116-108 panalo kontra Toronto Raptors.
Ito ang ika-4 na sunod na panalo ng Heat, na nakakuha ng malaking tulong kay Bam Adebayo, na may 19 points, 12 rebounds at 4 assists.
Bumalik si Toronto’s Kyle Lowry, na hindi naglaro ng apat na sunod dahil sa sprained left thumb, mula sa injured list at nagtala ng 24 points at eight assists. Nagdagdag si Fred VanVleet ng 24 points at 7 assists.
Sa kanyang pagbabalik mula sa pagkawala aa siyam na sunod na laro dahil sa ankle injury ay umiskor si Goran Dragic ng 15 points para sa Miami.
WARRIORS 111,
PACERS
Kumana si Stephen Curry ng 24 points upang pangunahan ang Golden State Warriors sa 111-107 panalo kontra Indiana Pacers.
Naputol ang streak ni Curry na 25-point games sa 13 sa gabing bumuslo lamang siya ng 1-for-11 mula sa 3-point range. Sa kabila nito ay pinangunahan pa rin niya ang Golden State na maisalba ang break-even four-game trip makaraang simulan ang trek na talo sa Orlando at Charlotte.
Nanalo ang Warriors sa New York noong Martes.
Nagposte si Domantas Sabonis ng 22 points at game-high 16 rebounds para sa Indiana.
HAWKS 127,
CELTICS 112
Nagtala si Danilo Gallinari ng franchise record na 10 3-pointers at kumamada ng season-high 38 points upang pagbidahan ang Atlanta Hawks sa 127-112 panalo kontra bisitang Boston Celtics.
Nakakawala si Gallinari sa shooting slump at isinalpak ang kanyang unang 3-point shots, at umiskor siya ng 24 points sa first half. Tumapos siya na may 13-for-16 mula sa floor at 10-for-12 mula sa 3-point range.
Sa naunang apat na laro, si Gallinari ay bumuslo ng 22.5 percent (9-for-40) mula sa floor at 30 percent (6-for-20) mula sa 3-point range.
Nagdagdag si Atlanta’s Trae Young ng 33 points, 25 dito ay first half, at 7 assists. Ito ang ika-12 pagkakataon na lumagpas siya sa 30-point mark ngayong season.
Comments are closed.