LAKERS UMESKAPO SA PISTONS SA 2 OT

lakers vs pistons

KUMAMADA si LeBron James ng 33 points, 11 assists at 4 steals upang tulungan ang Los Angeles Lakers na matakasan ang bisitang Detroit Pistons,  135-129, sa double overtime noong Sabado (oras sa US).

Umiskor si Anthony Davis ng  30 points, habang nagdagdag sina Dennis Schroder ng 22 points at 8 assists at Kyle Kuzma ng 14 points para sa Lakers, na nanalo ng apat na sunod.

Tumipa si Jerami Grant ng 32 points at naitala ni reserve guard Josh Jackson ang 25 sa kanyang 28 points sa second half subalit nalasap ng  Pistons ang ika-4 na sunod na kabiguan.

Tumapos si Jackson na may limang  3-pointers. Gumawa si Delon Wright ng 22 points sa 8-of-10 shooting, kung saan naipasok niya ang lahat ng kanyang apat na 3-pointers, at nagbigay ng 10 assists, habang nag-ambag si Mason Plumlee ng 15 points, 8 rebounds at 6 assists.

Nagposte si Svi Mykhailiuk ng 11 points para sa Pistons, na naglaro na wala sina Blake Griffin (rest), Derrick Rose (personal reasons), Wayne Ellington (calf), Killian Hayes (hip) at Jahlil Okafor (knee).

Sa kabila nito ay muntik na masilat ng Pistons ang Lakers.

BULLS 118, MAGIC 92

Nagbuhos si Zach LaVine ng  39 points at nagdagdag si Denzel Valentine ng season-high 20 nang gapiin ng bisitang Chicago Bulls ang Orlando Magic, 118-92.

Nakaganti ang Chicago sa pagkatalo sa Orlando noong Biyernes para ma-split ang  back-to-back sa Amway Center.

Lumamang ang Bulls ng hanggang 33 points sa third quarter, ang kanilang pinakamalaking bentahe sa season, at nalimitahan ang katunggali sa under 100 points sa unang pagkakataon.

Nag-ambag si Bulls rookie Patrick Williams ng 16 points at 10 rebounds para sa kanyang unang career double-double.

76ERS 124, NETS 108

Humataw si Joel Embiid ng 33 points at 9 rebounds upang bitbitin ang host Philadelphia 76ers sa panalo kontra Brooklyn Nets, 124-108.

Nagdagdag si Tobias Harris ng 21 points at 12 rebounds habang nagbigay si Ben Simmons ng 16 points, 12 rebounds at 8 assists. Nag-ambag sina Shake Milton ng 15 points, Furkan Korkmaz ng 13 at Danny Green at Seth Curry ng tig-11 points.

Umangat ang Sixers sa 13-0 ngayong season sa kanilang starting five na sina Embiid, Simmons, Harris, Green at Curry.

Ang Nets ay naglaro na wala sina Kevin Durant dahil sa health and safety protocols at  Kyrie Irving na may sprained right index finger.

Nanguna si James Harden para sa Nets na may 26 points, 10 assists at 8 rebounds habang nagdagdag sina Landry Shamet ng 22 points, Joe Harris ng 14, Timothe Luwawu-Cabarrot ng 13 at Jeff Green ng 10.

BUCKS 124, CAVALIERS 99

Kumana si Giannis Antetokounmpo ng 24 points at  11 rebounds upang pangunahan ang bisitang Milwaukee Bucks sa 124-99 panalo laban sa Cleveland Cavaliers.

Nagdagdag si Antetokounmpo ng 5 assists noong Sabado, isang araw makaraang makakolekta ng 33 points at 12 rebounds 123-105 panalo ng Bucks kontra Cleveland.

Sa iba pang laro ay pinadapa ng Oklahoma City Thunder ang Minnesota Timberwolves, 120-118; ginapi ng New Orleans Pelicans ang Memphis Grizzlies, 118-109; kinalawit ng Atlanta Hawks ang 132-121 panalo laban sa Toronto Raptors; namayani ang Dallas Mavericks konta Golden State Warriors, 134-132; at pinabagsak ng San Antonio Spurs ang Houston Rockets, 111-106.

Comments are closed.